Pilipinas Got Talent auditions, dinumog!
MANILA, Philippines - Muling magbabalik sa telebisyon ang pinakamalaki at matagumpay na nationwide talent-reality show sa bansa na Pilipinas Got Talent sa pag-uumpisa ng inaabangang ikalawang season nito sa unang quarter ng taong 2011.
Kamakailan ay umarangkada na nga ang auditions para sa programa kung saan libu-libong mga Pinoy mula Visayas at Mindanao ang dumagsa sa Cebu at Davao at nagpakitang gilas sa pagnanais na sumunod sa yapak ng unang PGT grand winner na si Jovit Baldivino.
Bagama’t dalawang lugar pa lamang ang napupuntahan nito ay nalampasan na ng bilang ng nag-audition dito ang pinagsama-samang bilang ng mga nag-audition sa halos 20 siyudad noong season 1.
“Sobrang dami talaga ng taong pumunta. Kahit kami, hindi namin inexpect na dadagsa ng ganoon. Hindi nga kami makapag-break na at matatambakan talaga kami ng taong iinterbyuhin at papanoorin ang talent,” pagbabahagi ni Rancy Recato, executive producer ng show.
Mas matitindi na nga ang ipinakitang talento ng mga Pinoy mapakanta man, sayaw, o mapa-extreme acts.
Maging ang mga sumubok na noong season 1 ay muling nagbalik para hamunin uli ang kanilang kapalaran.
Isa ang Pilipinas Got Talent sa pinakamatagumpay at pinakapinanood na talent-reality show ng sambayanan at ang grand winner nito na si Jovit Baldivino ay namamayagpag na sa showbiz dahil sa break na binigay sa kanya ng show.
Maging mga finalists tulad ng breakdancers na Velasco Brothers, bandang Ezra Band, singers na sina Sherwin Baguion at Markki Stroem, magician na si Alakim, ventriloquist na si Ruther Urquia, at gitaristang si Keith Clark Delleva ay may kanya- kanya na ring tagumpay na tinatahak sa industriya.
Hindi rin matatawaran ang PGT pagdating sa pag-arangkada sa ratings. Sa ikalawang linggo pa lamang nito ng pag-ere ay pumalo na ito ng rating na 43.1% ayon sa datos ng Kantar Media.
Sa gusto pang mag-audition, pumunta na sa Dec 15 at 16 sa Lyceum Northwestern University sa Dagupan, at sa Dec 18 at 19 sa ABS-CBN complex sa Manila.
Lahat ng Pinoy, bata man o matanda, mag-isa man o grupo, basta may talento tulad ng pagkanta, pagsaway, pagma-magic, pagsasagawa ng mga exhibitions, at kung anu-ano pa, ay maaring sumali. May iba pang auditions na dapat abangan na magaganap sa iba pang parte ng bansa pagdating ng Enero 2011.
- Latest