Pakikipagkita sa Robin Padilla ng Thailand inililihim ni Iza
Si Iza Calzado ang bagong image model ng Sabella at kahapon siya pumirma ng kontrata sa Annabel’s Restaurant.
Si Ramon Sabella ang may-ari ng popular na brand ng damit at nang magkita kami kahapon, siya pa ang nag-remind sa akin na nagpunta na ako sa Ali Mall branch ng Sabella noong 1988.
May senior moments na ako kaya hindi madali sa akin na balikan ang isang insidente na nangyari, 22 years ago.
Magaganda ang mga damit ng Sabella at kung nanonood kayo ng Beauty Queen, mga Sabella dress ang ginagamit ni Iza.
Bago pa man nagsimula ang taping ng Beauty Queen, may negosasyon na sa pagitan ng Sabella at ng GMA Artist Center, ang talent agency ng GMA 7 na namamahala sa career ni Iza na malaki ang ipinayat mula nang magkasama kami bilang mga judge ng Starstruck V.
* * *
Takang-taka si Iza dahil alam ng mga reporter ang meeting nila ni Ananda Everingham noong weekend.
Si Ananda ang sikat na Thai actor na bumisita sa Pilipinas at dumalo sa Cinemanila International Film Festival ng direktor na si Tikoy Aguiluz.
Sa mga hindi pamilyar sa kasikatan ni Ananda, siya lang naman ang Robin Padilla ng Thailand. Nagkalat sa Thailand ang kanyang mga billboard at pinipilahan sa mga sinehan ang mga pelikula niya.
Ayaw magsalita ni Iza tungkol sa napag-usapan nila nina Ananda at Tikoy. Umiral ang shyness ni Iza dahil ayaw niyang manggaling sa kanya ang impormasyon. Ipinauubaya niya kay Tikoy ang pagkukuwento tungkol sa resulta ng meeting nila kay Ananda.
* * *
Ngayon ang grand launch ng debut album ni Frencheska Farr, ang winner ng Are You The Next Big Star? I repeat, FRENcheska, hindi FRANcheska dahil marami ang nagkakamali sa pagsusulat ng correct spelling ng kanyang name.
Ang GMA Records ang produ ng album ni Frencheska na literal na far ang album launching dahil outside Quezon City ang venue.
Ang album ang katuparan ng pangarap ni Frencheska na maging isang ganap na singer. Useless ang pagiging mang-aawit ng isang tao kung hindi siya mabibigyan ng chance na magkaroon ng sariling album. Ang magandang boses ni Frencheska ang dahilan kaya siya ang napili na maging bida sa Emir, ang critically-acclaimed movie ni Chito Roño.
* * *
Kinampihan si Akihiro Sato ng reader na si Raulito Tinga ([email protected]) ng Doha, Qatar. Sinagot agad ni Raulito ang batikos ng ibang reader sa success ni Akihiro sa Survivor Philippines : Celebrity Showdown.
Dear Lolit,
“Matagal na akong nagbabasa ng column mo sa PSN. Hindi puwede na hindi ako magbukas ng website ng Philstar dahil binabasa ko ang PSN, The Freeman, at ang Banat News, which is from my place - Cebu.
“Gusto ko lang sabihin kay Meng Natividad ng Saudi Arabia na andiyan na naman po tayo sa sobrang pagiging makabayan natin. Suwerte ni Akihiro na siya ang nanalo, tanggapin mo na ‘yun. Sana, noong nag-umpisa ang Survivor Philippines: Celebrity Showdown, nagprotesta ka na dahil hindi siya Pinoy.
“Bakit ngayon ka lang umangal? Puwede ba, matuto tayong tumanggap ng pagkatalo? Hindi kasali sa isyu ang pagiging Pilipino o banyaga ni Akihiro. Contest po ‘yon brod. ’Yun lang po, huwag natin gawing malaking isyu. Maraming salamat, Lolit.”
- Latest