Dolphy mas lalong lumalala ang sakit 'pag walang trabaho
Sa kabila ng sinasabi nilang problema sa kalusugan ng kinikilalang hari ng komedi na si Dolphy, wala itong kabalak-balak na magretiro. Kung siya ang masusunod, hangga’t kaya ng katawan niya ay magpapatuloy siya sa kanyang pag-aartista.
“Mas lalo akong magkakasakit kapag tumigil akong magtrabaho. Hinahanap-hanap na ito ng katawan ko. Alam ko naman ang limitasyon ko. Hindi ako masyadong nagpapaka-pagod, hindi nagpapatuyo ng pawis sa katawan, at kung kailangang matulog para makapagpahinga, ginagawa ko. Lahat gagawin ko huwag lang ako patigiling magtrabaho,” pakiusap ng komedyante na mabibigyan na naman ng pagkilala sa pagbubukas ng Cinemalaya International Film Festival dahil sa kanyang na-achieve bilang artista.
Nauna na rito ang pagbibigay sa kanya ni P-Noy ng Grand Collar of the Order of the Golden Heart.
Kasalukuyang tinatapos ni Dolphy ang Father Jejemon, ang entry ng sarili niyang film outfit para sa Metro Manila Film Festival.
Ang pag-aartista na lamang niya ang pinagtutuunan niya ng pansin. ‘Yung pamamahala ng kumpanya ay ipinagkatiwala na niya sa kanyang partner na si ZsaZsa Padilla. Masaya si ZsaZsa na akuin kay Dolphy ang pamamahala ng RVQ para hindi ito masyadong mapagod at mapangalagaan ang kanyang kalusugan.
Sa kabila ng kaabalahan ni Dolphy dahil may regular pa siyang serye sa TV5, ang Pidol’s Wonderland, nagawa pa rin ni Dolphy na makapag-record ng isang album. Habang tinatapos pa niya ang Father Jejemon, ang album muna ang pino-promote niya.
* * *
Marami rin ang kinita ng katatapos na fund-raising concert ni Imelda Papin na ginanap sa isang napakagandang lugar na ngayon ko lang napuntahan. Sa lugar lang ay bawing-bawi na ang lahat ng nanood sa One Special Celebration concert na ang layunin ng tinaguriang Undisputed Jukebox Queen ay makalikom pa ng pondo na pandagdag para sa free dialysis treatment na proyekto niya para sa mahihirap. Nakapag-donate na siya ng dialysis machine pero may mga pangangailangan pa rin ang sasailalim sa ganitong proseso kung kaya nagdaos siya ng isang concert bago siya bumalik ng Amerika sa araw na ito.
Marami rin ang nag-perform ng libre sa nasabing concert. Bukod sa kanilang libreng performance, nagbigay din sila ng donasyong pera, hindi lahat pero ilan sa kanila.
Napaka-gandang concert venue ang Aquatica na matatagpuan sa Hotel H2O sa Manila Ocean Park. Ang ganda-gandang pagmasdan ng mga nagsasayawang tubig na nag-iiba ang kulay at hugis. Parang hindi lokal. Siyang- siyang pagmasdan ng mga nanood ng konsiyerto ang kakaibang atraksiyon na ito na hindi pa nadidiskubre ng marami.
- Latest