Cristine at Rayver mas nag-iinit sa isa't isa
MANILA, Philippines – Isang malaking pasabog sa buhay ni Jewel (Cristine Reyes) at Bernard/Jaime (Zanjoe Marudo) ang magaganap sa nalalapit na pagtatapos ng unang libro ng teleseryeng bumubuhay sa inyong gabi, ang Martha Cecilia’s Kristine.
Nitong nakaraan ay nasubaybayan natin ang unti-unting pagbubunyag sa tunay na pagkatao ni Jewel. Sa linggong ito naman, isang mahalagang papel ang gagampanan ni Lance (Rayver Cruz) na magbabago sa takbo ng kuwento ng pinakamainit na teleserye gabi-gabi.
Ayon sa bidang si Cristine Reyes, hindi na dapat bumitaw ang mga tagapanood ng Kristine dahil na rin sa malaking pagbabago na magaganap sa pagsisimula ng bagong kabanata ng programa. Pagbubunyag niya, may tatlong babae na papasok sa kuwento na makakaapekto sa buhay ng mga bida.
“Sobrang excited na ako sa mga bagong characters na papasok. Abangan din nila ‘yung bagong Jewel na mapapanood nila sa Book 2 kasi ibang-iba siya sa Jewel na napanood nila so far,” paanyaya ni Cristine.
Dagdag pa ni Rayver, mas lalong magigising ang mga manonood sa mga susunod na mangyayari. “Kung astig ang mga book 1, mas astig itong book 2,” sabi pa niya.
Kasalukuyan namang pinupukol ng intriga ang dalawa, lalo na sa pag-amin ni Cristine na naging magkarelasyon sila ng co-star niya. Ang balita ay nagkabalikan na raw sila.
Bukod kasi sa mga insidente kung saan ay nakikita silang sweet sa set o kaya sa pampublikong lugar ay aminado rin ang dalawa na close na sila ulit sa isa’t isa.
“Oo, mas nakakapag-usap na kami ni Rayver ngayon compared dati na nag-uumpisa ang Kristine na hindi kami nag-uusap. Lumabas kami. Off-work bonding lang,” paliwanag ng Jewel of Romance na si Cristine.
Dagdag pa ni Rayver, wala naman daw masama doon dahil magkaibigan sila ng dalaga. “Lumalabas kami with common friends kaya hindi ko naman ide-deny ‘yun,” ani ng binata.
Pero kahit mas nakakasama si Rayver, ayon kay Cristine ay mas “hot” pa rin daw ang orihinal niyang leading man sa programa na si Zanjoe Marudo. Pero kung siya raw ang tatanungin, mas kaabang-abang at mas mainit ang love triangle nilang tatlo sa Kristine kaysa sa totoong buhay.
“Excited na ako sa mga mangyayari kina Jewel, Bernard at Lance,” aniya.
Tutukan ang pagsasara ng unang libro ng epikong TV adaptation ng numero unong best-selling pocketbook series sa Pilipinas mula Lunes hanggang Biyernes, pagkatapos ng Imortal sa ABS-CBN.
- Latest