Jennylyn malaki ang problema sa Rosario
Alam naman natin na malaking epekto sa isang pelikula kung hindi ito mapu-promote. Hindi malalaman ng marami na may ginagawa o natapos na movie kapag walang nagsasabi ng tungkol dito lalo na kung mula sa mga bidang artista.
Ganito ang predicament ng pelikulang Rosario na tinatampukan nina Jennylyn Mercado at Dennis Trillo. Hindi sila makapagpo-promote sa kalabang istasyong ABS-CBN for obvious reason. Pero nakadagdag problema pa nila na maging sa TV5 ay hindi sila papayagan. Ang prodyuser kasi ng kanilang pelikula na Cinemabuhay ay sister company ng Singko. Worst, maski sa GMA7 ay baka pagbawalan din sila dahil co-producer ang Siete ng pelikula naman na tinatampukan nina Bong Revilla at Vic Sotto, ang Ang Agimat at si Enteng Kabisote.
Tsk. Tsk. Tsk. Sayang lalo’t sinasabing isa ang Rosario sa pinakamagandang pelikula na kasali sa MMFF. Maaring hindi ito lumaban sa box-office pero pagdating sa awards, hinuhulaang mangunguna ito.
Tiniyak ng direktor ng pelikula na si Albert Martinez na maganda ang kanyang produkto. Isa ito sa mga naunang ginawang movie kaya napaghandaan at nagawang maganda.
Marami siyang ipinagawa kay Jennylyn na hindi pa nito nagagawa sa kanyang mga unang pelikula. Huwag nang idagdag pa na magkatambal sila ng kanyang real love na hindi na ipagtatanong ang kagalingan din sa pag-arte.
* * *
Ngayon, nagiging malinaw na ang relasyong matagal nang itinatanggi ni Lovi Poe kay Cong. Ronald Singson. For the nth time ay nag-French leave ito para puntahan ang kongresista sa Hong Kong na kung saan ay mayroon itong dinidinig na kaso na may kinalaman sa drugs.
Dun ay nakasama na naman niya ang ilang miyembro ng pamilya ng kanyang boyfriend na pumunta rin para makasama ang batang kongresista.
* * *
Bigla, humaba ang buhok ni Iya Villania dahil pinag-aagawan siya ng dalawang malalaking TV networks. Natapos na ang kontrata niya sa ABS-CBN at nakatanggap daw ito ng isang magandang offer sa GMA 7 na hindi niya itinatangging pinag-aralan niya dahil bukod sa maganda ang offer ay makakasama pa ang boyfriend niyang si Drew Arellano na iniwan niya years ago para pumunta ng Kapamilya network. Pero bago niya nagawa ito ay nagpasya ang Dos na i-renew ang kanyang kontrata.
Sa bago niyang three years contract, madaragdagan ang dati niyang pagiging host ng US Girls at MYX sa mga kapatid na network ng ABS-CBN na kung saan ay host naman siya sa ASAP XV. Magkakaroon din siya ng serye, isang reality show at mapapasama sa isang proyekto ng News and Current Affairs.
Kung napigilan man ng ABS-CBN ang pag-alis ni Iya, nakaalis na si Jewel Mische sa GMA papuntang ABS-CBN. Hindi naman sa hindi siya pinigilan ng network pero talagang buo na ang loob niya sa pag-alis kung kaya pinayagan na lamang siya.
- Latest