Tutuluyan ng BIR, Mark ipinahamak ng kanyang accountant
TRUE: Nagsilang na si Gladys Reyes ng isang malusog na baby boy kahapon ng 9:36 ng umaga sa Asian Hospital.
May timbang na 6.8 lbs. at 50 cms. ang haba ng bata.
Na-caesarian ito kaya hindi pa namin nakausap ang aktres. Nagti-text lang ito na sobrang cute ang kanilang baby at kamukha ng mister na si Christopher Roxas.
Ang panganay niyang anak na si Kristof ang nagbigay ng pangalan sa baby na si Grant Carlin.
TANONG: Desidido na nga kaya si Manay Lolit Solis na i-handle si Shalani Soledad?
Namataan ito sa Willing Willie kamakalawa ng gabi para bantayan si Shalani at para maobserbahan kung seryoso ba si Willie sa panliligaw nito sa dalaga.
Nahahalata na kasi ang hayagang panliligaw nito kay Shalani sa Willing Willie kaya curious din ang TV host-columnist kung mapapa-oo ba nito ang magandang Valenzuela councilor.
TOTOO KAYANG kakasuhan talaga si Mark Herras ng Bureau of Internal Revenue (BIR)? Pagkatapos nilang magsumite ng mga papeles na nagpapatunay na walang kinalaman ang young actor sa bar na kinasuhan, parang lalo pa itong nagpasama sa kanya dahil may mga mali sa ginawa ng kanyang accountant.
Nakatanggap na ng notice si Mark mula sa BIR na kailangan nila itong maayos bago umabot sa demandahan.
TSIKA LANG: Dinumog ng mga fans ang mall show ni Aljur Abrenica kahapon na ginanap sa Atrium ng SM The Block.
Bahagi iyon ng promo ni Aljur ng kanyang album, kaya pinag-iisipan na nitong magkaroon ng malaking solo concert.
Pagkatapos ng Ilumina, gusto rin ng young actor na pag-ukulan ng panahon ang kanyang singing career.
Inaayos din nito ang pagpapatapos ng kanyang resort sa Batangas na kung saan nandun ang kanyang videoke bar. Pinapalaki niya ito dahil gusto niyang maging magandang bakasyunan.
Pinag-iisipan pa niya na ipangalan sa resort ay Ilumina.
- Latest