Susan Roces maligaya sa FPJ stamp!
Noong Miyerkules ay nag-launch ang Philippine Postal Office ng stamps series na tampok ang FPJ Commemorative stamp collection at ilan pang national artists. Pinangunahan ang nasabing event ng mag-inang Susan Roces at Grace Poe Llamanzares.
Ngayon ay lalong mananatili sa ating mga alaala ang hari ng pelikulang Pilipino dahil sa FPJ stamps. Makararating din sa iba’t ibang panig ng mundo ang FPJ stamps kaya labis ang kaligayahan ng mag-inang Susan at Grace. “Marami kasing OFW (Overseas Filipino Workers) na tumatangkilik sa pelikula ni FPJ na nasa abroad ngayon so at least kapag nakikita, kahit paano may paalala sa kanila na itong bayan nila ay tumatangkilik sa National Artists na nakagisnan na rin nila,” nakangiting pahayag ni Grace.
“Kami na lahat ng nagmamahal kay FPJ, kanyang mga tagahanga. Ako, bilang kanyang may-bahay ay nagpapasalamat ng taos-puso sa napakalaking karangalang iginawad sa kanya at ng iba pang National artists. Maligayang-maligaya kami, it’s such a big honor. Thank you,” pahayag naman ni Susan Roces.
Boses ni Zaijian bida sa kauna-unahang pinoy 3D Movie
Sa darating na Kapaskuhan ay isang kakaibang pelikula ang mapapanood natin na handog ng Star Cinema at Ambient Media. Ang RPG Metanoia, isa rin ito sa mga kalahok sa Metro Manila Film Festival.
Masasabi nating ito ang kauna-unahang 3D animated film na gawa ng Pinoy. Ang magbo-boses o ang magda-dub ng boses ng bida rito ay ang child wonder na si Zaijian Jaranilla. “Masayang-masaya po ako na kasama ako rito sa RPG, ang unang-una ko po na 3D animated na movie. Ako po rito si Nicko, tapos po kapag naglalaro po ako ng computer ako po si Ziro. Nang dumating po siya sa Metanoia tournament, sumali po ako, naglakas-loob po ako tapos sabi ko, hindi ko na kailangan ‘yung mga kaibigan ko, parang ako lang mag-isa, tapos noong bandang huli, kinailangan ko pala ng mga kaibigan ko,” kuwento ni Zaijian.
Isa pang maipagmamalaki ng pelikula ay si Eugene Domingo na sobrang excited nang i-offer sa kanya ang project. “Noong unang sinabi sa akin na kasama ako sa RPG Metanoia excited ako talaga, dubber ako nagsimula talaga, isa ‘yan sa mga nagbigay sa akin ng kabuhayan. Kaya ini-invite ko kayong lahat na manood nitong pelikula,” nakangiting pahayag naman ng komedyana. Reports from JAMES C. CANTOS
- Latest