Dolphy bibigyan ng award ni P-Noy, babalik sa Kapamilya
MANILA, Philippines - Pagkakalooban ni Pangulong Benigno Aquino III ng Grand Collar of the Order of the Golden Heart si comedy king Dolphy Quizon sa Malacañang.
Ang special honor ay isang pagkilala sa tagumpay ng king of comedy bilang isang aktor at isang pilantropo sa pamamagitan ng Dolphy Aid para sa Pinoy Foundation na nagbibigay ng scholarships sa mga karapat-dapat na anak ng mga overseas Filipino worker.
Unang ginawaran ng ganitong parangal na para naman sa humanitarian si Hellen Keller noong 1955.
Ayon kay Deputy Presidential spokeswoman Abigail Valte, kinikilala ng Malacañang ang naabot ni Dolphy bilang komedyante kung saan milyun-milyong Filipino ang kanyang napasaya.
Ang Order of the Golden Heart ay unang sinimulan ni dating Pangulong Ramon Magsaysay noong 1954.
Ibinibigay umano ang nasabing award sa mga indibiduwal na nagtataguyod nang pagpapabuti ng moral, social at economic condition ng masang Filipino.
Hindi naman kinumpirma ni Valte kung sino ang nagrekomenda kay Pangulong Aquino upang ibigay kay Dolphy ang nasabing award.
Hindi pa rin tiyak kung kikilalanin na si Dolphy bilang isang national artist.
Samantala, babalik si Dolphy sa ABS-CBN ngayong Linggo para ilunsad sa ASAP ang una niyang album na may titulong Hindi Naman Ako Umalis.
Sa set ng kanyang Metro Manila Film Festival entry na Father Jejemon, sinabi ng comedy king na kahit meron na siyang show sa karibal na network TV5, tama lang na ilunsad niya ang bago niyang proyekto sa ABS-CBN dahil ito pa rin ang nangungunang network.
Masaya anya siya sa bago niyang oportunidad sa showbiz kahit 83 anyos na siya.
Sumuporta naman sa bago niyang career ang real life partner niya na si Zsazsa Padilla sa pamamagitan ng pakikipag-duet sa kanya na tampok din sa album.
- Latest