Art2Art nakakadalawa na sa CMMA
MANILA, Philippines - Sa ikalawang pagkakataon, hinirang muli ang programang Art 2 Art bilang Best Educational Radio Program sa 32nd Catholic Mass Media Awards na ginanap kamakailan.
Ang Art 2 Art, na pinapangunahan ng host at prima ballerina na si Lisa Macuja, ay napapakinggan sa DZRH tuwing Linggo, alas tres y media hanggang alas kuwatro ng hapon. Panauhin ni Macuja ang sari-saring personalidad sa mundo ng sining at kultura, kabilang na ang mga manunulat, pintor at eskultor, direktor, mang-aawit at musikero, aktor sa entablado, telebisyon at pelikula, mananayaw at iba pa.
Ang Art 2 Art, na isang produksyon ng Manila Broadcasting Company, ay nasa ika-apat na nitong taon. Bukod sa radyo, napapakinggan din itosa Internet, sa pamamagitan ng website na http://dzrh tripod.com. Mapapanood din ito sa Cablelink Channel 9, kasabay ng pag-ere sa radyo tuwing Linggo.
“Gusto naming maging positibong modelo ang ating mga artista ng bayan, lalo na sa mga kabataan. Naibabahagi rin namin sa mga tagapakinig na mayroong mga iba-ibang propesyon sa sining na maaari nilang pasukin o tularan,” wika ni Macuja.
- Latest