Sen. Bong pumayag mauna ang pangalan ni Vic sa billing
Hindi lamang naman ang unang pagsasama nina Senador Bong Revilla, Jr. at Bossing Vic Sotto ang magiging pangunahing dahilan kung bakit aabangan ang pelikula nilang Si Agimat at si Enteng Kabisote (ito na ang final title ng kanilang pelikula) kundi maging ang gumaganap na mga leading ladies nila, sina Gwen Zamora at Sam Pinto, dalawa sa pinakabagong Kapuso stars.
Sa kabila ng kanilang pagiging baguhang artista, pinagsisimulan na ng kontrobersiya ang dalawa.
Si Sam, dahilan sa huling presscon ng kanyang kauna-punahang pelikula na Petrang Kabayo, ay pinag-usapan ng hindi maganda ng press dahil hindi niya alam kung ano ang kanyang role sa pelikula gayong tapos na ito at ipinapalabas na nga. Bago pa ito ay naintriga na siya habang isa pa siyang Kapamilya na ginamit umano si Gerald Anderson para siya sumikat.
Samantala si Gwen ay pinagbibintangang dahilan ng paghihiwalay nina Vic at Pia Guanio. Bukod pa rito, pinagdududahan din ang kanyang gulang na 19 dahil napakarami na niyang accomplishments. Bago pa siya nagpasyang mag-artista sa pelikula ay nagtuturo na siya ng acting sa bansang Tsina. Nakatapos na rin siya ng isang taong kurso sa filmmaking sa Australia at umaarte na sa stage since she was 14 sa Singapore.
Baka nagtataka kayo kung bakit palipat-lipat siya ng bansa, isang chef ang kanyang ama at ang trabaho nito ang nagdadala sa kanila sa iba’t ibang mga lugar sa buong mundo. Isang French ang kanyang ama at Vietnamese naman ang kanyang ina. Separated na ang mga ito at sa kanyang dad siya nakasama.
Dito na mamamalagi sa bansa si Gwen (Gwenelle Agese ang buo niyang pangalan) at ang kanyang ama. Maganda ang takbo ng kanilang bakeshop na Chef Philip na may tatlo ng branches sa Pasong Tamo Ext. at Legaspi sa Makati City, at Las Piñas City na siyang main branch at matatagpuan sa kanilang bahay.
Alam ni Gwen na bago siya ay nauna nang gumanap bilang Faye sina Tweety de Leon, Alice Dixson, at Kristine Hermosa.
Pagsisimulan sigurado ng gulo at pagkukumpara sa dalawang leading ladies ng dalawang pinakamalaking aktor sa bansa, ang dalawang pinakamahigpit na magkalaban tuwing Metro Manila Film Festival.
Pareho rin silang maganda, the fairest among the new batch of newcomers in local cinema. Magkaiba ang beauty nila, perfect para sa mga shampoo commercials si Sam samantalang kulot naman si Gwen, na parang doll.
Sinabi ko sa simula na walang nakikitang problema between Bong and Vic. Okay lang sa senador na mauna ang pangalan ni Vic sa billing dahil una na ang pangalan ng character niya sa title ng movie.
Dahilan sa kamahalan ng pelikula, ilang mga malalaking kumpanya ang nagtutulung-tulong para ito buuin, ang Imus Films ng magkakapatid na Revilla, ang M-Zet ni Vic Sotto, ang APT ni Tony Tuviera, Octo-Arts Films ni Orly Ilacad, at ang GMA Films.
Sina Vic at Bong din ang gumagawa ng sarili nilang mga stunts, tinitira nila sa actual shooting at hindi dinadaya sa chroma. Tatlo ang gumagawa ng special effects para umabot sila sa deadline. Limang shooting days na lang at tapos na ang pelikula.
Buwan ng Agosto nang simulan ang Si Agimat at si Enteng Kabisote. Natagalan lamang bago na-polish ang script. Bago ang mga costumes at maging ang isang higanteng set na ginawa sa Tanay, Rizal. Balanse ang role ng dalawang aktor at maging ang exposure nila sa screen. Everything is equal, pati ang kanilang mga leading ladies.
* * *
Kasama kami sa nagdarasal sa maagang paggaling ni Direk Rory Quintos na naka-confine sa ICU ng isang ospital dahil sa dengue.
Medyo mahirap hanapin ang tipo ng kanyang dugo pero sa dami ng mga nagmamahal at nagmamalasakit na taga-showbiz, madali namang nalulunasan ang pangangailangan sa dugo.
- Latest