Jerry Yan in love na?
Matapos ang hit serye nito na Meteor Garden at Hotshot, muli na namang gumagawa ng ingay ang Asian superstar na si Jerry Yan dahil sa balitang handa na itong magmahal!
Pero bago mag-react ang kanyang fans, ang tinutukoy ni Jerry ay ang karakter niya bilang Elvin sa pinakaaabangang romantic comedy simula ngayong Lunes (Oct. 25), ang Down with Love, 5:30 p.m. sa ABS-CBN.
Magtatambal dito sa unang pagkakataon ang King of Asianovela at ang Charming Sweetheart na si Ella Chen bilang Malou, na una nating minahal sa seryeng Hana Kimi.
Simula nang mamatay ang kapatid sa isang aksidente, si Elvin na ang tumatayong ama sa kanyang naulilang mga pamangkin. Pero dahil isa siyang mahusay na abogado, halos wala siyang oras na asikasuhin ang mga ito kaya naman umaasa ito sa tulong ng isang maid.
Marami sana ang nag-apply ngunit lahat ito ay hindi maiwasang main-love sa kanya, kaya naman ang guwapong si Elvin, on the lookout para sa yayang hindi titibok ang puso sa kanya.
Dito papasok si Malou na mapipilitang magpanggap na lesbiyana para lang magkaroon ng trabaho at mabayaran ang utang ng lumisang ama.
Pabor na sana ang sitwasyon para sa dalawa pero paano kapag ang bawal main-love ay nahulog na ang loob sa amo niya? Dala ng kanilang malaaso’t pusang pakikitungo sa isa’t isa, si Elvin ay made-develop din pero paano niya haharapin ang ideya na naiin-love na siya sa isang tomboy?
Richard, Marian at Dingdong, bida sa Christmas advocacy plug ng GMA
Ngayong Pasko, bibigyang pugay ng GMA Network ang Puso ng Pilipino sa pamamagitan ng serye ng true-to-life inspiring stories.
Ang mga kuwento ay naglalarawan sa mga tunay na karanasan ng mga Pilipinong nakagawa ng kabutihan sa kapwa sa pamamagitan ng mga simpleng bagay. Tinawag ang mga istoryang ito bilang, Isang Pagkilala sa Puso ng Pilipino Ngayong Pasko.
Tampok sa nasabing advocacy plug ang tatlo sa mga pinakamalalaki at pinakamaningning na bituin ng Kapuso network: sina Marian Rivera, Dingdong Dantes at Richard Gutierrez.
Si Richard ang gaganap sa papel ni Ed, isang immigrant sa US na nakabase sa Las Vegas, Nevada. Nananatiling Pilipino ang puso ni Ed lalo’t tuwing darating ang panahon ng kapaskuhan. Kasama ang kanyang asawa, nagbabalot siya ng mga laruan at school supplies upang ipadala sa mga bata sa Pilipinas.
Si Marian naman ang gaganap bilang si Mila. Tuwing Pasko, binubuksan ni Mila ang kanyang tahanan para sa mga nangangailangan. Nagbebenta rin siya ng mga Christmas decor sa garahe ng kanyang bahay, at ang perang pinagkakitaan ang ginagamit niya upang mabahagian ng pagkain ang mahigit sa 200 pamilya tuwing bisperas ng Bagong Taon.
Samantala, si Dingdong ang gaganap bilang si Jose, isang Secret Santa na lumilibot sa mga ospital sa Metro Manila tuwing bisperas ng Pasko upang bigyang tulong pinansiyal ang mga pasyenteng salat sa buhay.
“These are real-life Santas,” paliwanag ni Director Paul Ticzon, nang tanungin siya tungkol sa kung ano ang natatangi sa nasabing plug matapos mag-direct sa maraming Christmas campaigns ng GMA.
Unang ipapalabas ang mga Christmas vignettes ng GMA sa 24 Oras ngayong Lunes, October 25. Kinunan ang plug gamit ang high-definition (HD) digital video technology at nakatakda rin itong ipalabas sa SM Cinemas.
Tatlong direktor naka-tsika ni mader
Tatlong batikang direktor sa TV at pelikula ang tampok sa magkakahiwalay na interbyu ni Mader Ricky Reyes sa programang Life and Style with Ricky Reyes sa Q11, 10:00 to 11:00 a.m.
Pagdating sa talk, reality at variety program ay nangunguna si Louie Ignacio na nagdirek noon ng Sis, SOP, Are You The Next Big Star, Pinoy Idol, Starstruck at Celebrity Duets. Ngayo’y siya pa rin ang namamahala ng Mel and Joey at Love Ni Mister, Love ni Misis at iba pang special offering ng Kapuso network.
Nang ipalabas ang Tiyanak ng Regal Films noong 2007 ay umani ng paghanga si Mark Reyes. Siya ang direktor ng TGIS na nagpasikat kina Bobby Andrews, Angelu de Leon, Sunshine Dizon, Dingdong Dantes, Antoinette Taus at Polo Ravales. Kahit nalilinya siya ngayon sa mga fantaserye ay siya rin ang nasa likod ng Party Pilipinas.
Bida na sa takilya’y naging Best Movie pa ang Ang Panday ni Mac Alejandre. Top-rater din ang mga romantic teleseryeng ginawa niya tulad ng Stairway to Heaven and The Last Prince at ang Endless Love.
Ilalahad ng tatlong sikat na direktor ang kanilang buhay before and after nag-join sila ng showbiz.
Sa Great Hair Day ay bibigyan ng special Halloween make-over ng Fil-Hair Coop officer na si Ping de Guzman ang modelong si Ericka Lagmay.
Viva Events may job fair
Ang Viva Events kasama ang Robinsons Place Manila sa pakikipagtulungan ng NU 107, Dream FM, Trabaho.com, Teledevelopment, Social Security System, at MSD Godspeed ay magkakaroon ng dalawang araw na Angat Pinoy! A Viva Events Job Fair, gaganapin sa Ground Floor Sta. Monica Robinsons Place Manila sa Oct. 27-28 mula 10 a.m. hanggang 6 p.m. na pangungunahan ng mga kumpanyang mag-aalok ng trabaho para sa mga kabataang propesyonal.
Maaaring makamit ang minimithing trabaho sa pamamagitan lamang ng mga sumusunod na kasaling kumpanya: Sykes Asia, NCO Group, Transnational Logistics Solutions Corporation, Teleperformance, Job On-Link, Rock Solid Manpower, Worksavers, Teledevelopment, Smart Communications, Skilled and Talent Employment Pool, Inc., at Trabaho.com.
Maghanda sa on-the-spot interviews at exams, bukod dito ay magbibigay ang Social Security System (SSS) ng numero sa mga bagong miyembro o aplikante.
Kung interesado, maaaring isumite ang resumé sa [email protected] o mag-log sa www.vivaevent.net.ph.
- Latest