Korean-Pinoy group uso na
MANILA, Philippines - Pamilyar na tayo sa K-Pop o Korean pop na patok ngayon sa buong Asya. Pero alam n’yo ba na pinapauso na rin sa Pilipinas ang KP-pop o Korean-Pinoy pop?
Sinisimulan na ito ng grupong Pointen, isang all-girl group na magkahalong Pinoy at Koreana ang mga miyembro. Ngayon pa lang ay marami na ang nakyu-curious sa Dance Floor Prima Donna album nila mula sa Sony Music Entertainment.
Sa album launch na ginanap sa SM Mall of Asia noong Oct. 1, umingay ang buong Music Hall nang kantahin at sayawin nina Garyn, Sharien, Vicc, at Yuju ang single na A Fairy Tale Song, isa sa pitong kanta sa album, at dinumog ang grupo sa kanilang Meet-and-Greet session pagkatapos ng mini-concert. Para na rin silang naka-level ng mga idolong The Wonder Girls, Girls Generation, at 2NE1.
Si Chanelle Kim, isang Koreana at general manager ng Macrolite Entertainment, ang nakadiskubre ng Pointen nang magsagawa ng auditions para maipakita ang talentong Korean-Pinoy.
Nang makapili ng mga miyembro, sinanay ni Chanelle ang Pointen ng halos isang taon bago isinabak sa recording sa Play Studio at nai-master ng mga session musicians ng Asian superstar na si Rain. Ang nagsalin naman sa Ingles ng ilang kanta na orihinal na isinulat sa Korean language ay ang award-winning poet at university professor na si Mark Anthony Cayanan. Choreographer naman nila ang Korean dancer na si Waackin Jina.
Ang pangalan ng grupo ay tumutukoy sa pinagsamang “point” at “ten” o kaya’y “ten points” na ang ibig sabihin ay perfection. May ideya rin na ang Pointen ay nangangahulugan din ng panimula o “point of origin.”
Ang mga Pinoy members ay sina Sharien at Vicc at ang mga Koreana ay sina Yuju at Garyn.
- Latest