Bea bagong partner ni Robin
Bigla, wala nang project na magkasama sina Robin Padilla at Mariel Rodriguez sa ABS-CBN. ‘Yung planong serye na pagsasamahan nila ay tila hindi na tuloy dahil may gagawin na ang mister ni Mariel na ang katambal ay si Bea Alonzo.
Sayang naman dahil anumang proyekto na gawin ng bagong kasal ay inaasahang makatatanggap ng malaking suporta ng tao, pero kung hindi ito matutuloy ay baka makaapekto na ng malaki sa career ni Mariel na ngayon pa lamang ay hinuhulaan nang mahihirapan nang makabalik sa kanyang trabaho.
Kung sakali, handa na ba siyang maging isang ordinaryong misis na lamang at hindi na bahagi ng local showbiz?
Mabuti na lamang sana kung nagbabalak silang mag-anak na pero sila na rin mismo ang nagsabing wala pa sa plano nila ang magkaanak.
Ilang taga-showbiz umaasa kay Chairman Grace
Bigla, nabigyan na naman ng bagong pag-asa ang maraming taga-industriya ng local entertainment. Dahil sa hinirang na ni P-Noy si Grace Poe Llamanzares para pamunuan ang Movie and Television Review and Classification Board o MTRCB.
Pinalitan nito si Chairman Consoliza Laguardia.
With the old administration, maraming mga taga-industriya ang nakaramdam na nasisikil ang kanilang artistic talent. Tulad ng kapag ang isang pelikula ay nabigyan na ng klasipikasyong For Adults Only, dapat daw ay hindi na ito pinuputol pa o binabawasan ang mga eksena.
Inaasahan din nila na sa bagong administrasyon, magiging mahigpit ang pagbabantay sa mga sinehan, ayon sa klasipikasyon ng pelikula - General Patronage para sa lahat; PG 13 at PG 18 para sa mga nasa age bracket nito at For Adults Only para sa mga nasa hustong kaisipan na.
Marami kasing mga menor de edad ang nakakapanood ng mga pelikulang may ganitong klasipikasyon. Inaasahan din na maging sa TV ay magiging mahigpit ang MTRCB, hindi lamang sa mga live shows kundi sa mga teleserye rin.
Dahil kabataan pa rin ang bagong chief at exposed na sa mga palabas na local, inaasahan na magiging makatarungan at liberal siya at ang mga kasamahan niya sa kanilang treatment ng mga napapanood sa pelikula at maging sa telebisyon.
Yeng parating absent
Sana, palagi nang mapanood sa Music Uplate si Yeng Constantino. Madalas kasi siyang mag-absent at matagalan pa, kapag may mga gigs siya sa abroad at ang naiiwan ay ang co-host niyang si Tutti Caringal na gaano man ka-capable na mag-host ng nasabing show ay hinahanapan pa rin ng female counterpart.
Kung kelan tinatanggap nang co-host si Gee Canlas ay saka naman ito kinuha ng Pilipinas Win na Win kaya muling naiwan sina Yeng at Tutti. Pero paano kapag nag-tour uli either si Yeng o si Tutti, wala na namang host ng Music Uplate?
Aware naman ang mga nasa likod ng MU na marami ang nanonood ng programa, kaya ba kahit sino ang maging host ay puwede na lang?
Siguro kung aalis ang isa man sa dalawang host ng show ay gumawa sila ng advanced taping para hindi maapektuhan ang palabas nila. Or, better still, magsimula na silang mag-train ng mga bagong hosts na tatanggapin ng viewers, tulad ni Gee Canlas.
- Latest