Mga ugat ng Pinoy rock hihirit sa isang concert
MANILA, Philippines - Bago matapos ang taon, hihirit ang mga lider ng Pinoy folk at rock sa isang malaking konsiyerto sa Dec. 3 sa Araneta Coliseum.
Pinamagatang Ugat, The Legends of Pinoy Folk Rock na handog ng Viva Concerts and Events, pangungunahan ng mga naglalakihang pangalan sa industriya ng musika tulad ng bandang Juan dela Cruz na sasamahan pa nina Sampaguita, Lolita Carbon, Heber Bartolome & Banyuhay, Gary Granada, Florante at Noel Cabangon ang konsiyerto ay sa direksiyon ni Roxanne Lapuz.
Lahat ng mga nabanggit ay may malalaking kanta na naiambag sa industriya simula pa noong dekada 70.
Pinasikat ng Juan dela Cruz (Joey “Pepe” Smith, Wally Gonzales, Mike Hanopol) ang mga kantang Balong Malalim, Laki sa Layaw, Himig Natin, at marami pang iba.
Ang Queen of Pinoy Rock namang si Sampaguita ay hindi malilimutan sa Bonggahan, Tao, at Laguna.
Si Lolita Carbon na galing sa Asin at Nene ay ang boses sa Masdan Mo ang Kapaligiran, Pagbabalik, Bayan Kong Sinilangan, at Itanong Mo sa mga Bata.
Si Florante na matagal nang naninirahan sa Amerika ay uuwi lamang sa Pilipinas para sa Ugat concert. Siya ang nasa likod ng mga kantang Handog, Ako’y Pinoy, at Pinay.
Inaabangan din ang mga kantang orihinal nina Heber (Tayo’y mga Pinoy), Gary (Mabuti Pa Sila), at Noel (Kanlungan).
Ang mga tiket para sa Ugat, The Legends of Pinoy Folk Rock ay mabibili na sa lahat ng SM Ticketnet outlets at sa Big Dome mismo.
- Latest