Bulilyasong balita!
Mabuti na lamang at nagagawang pagtawanan na lamang nina Ahron Villena at Ian Batherson ang mga negatibong write-ups na lumalabas tungkol sa kanila na nilagyan pa ng malisya. Kung hindi nga naman totoo, bakit nila ito pag-aaksayahan ng kanilang panahon? Hindi komo ginagawa ng marami ay ginagawa na nila.
Talagang magkaibigan lamang sila at hindi na hihigit pa rito ang relasyon nila na nagsimulang bigyan ng kulay nang magkasama sila sa Survivor Philippines: Celebrity Showdown bilang castaways.
Sa mahigit na isang buwan na pagsasama ng mga castaways sa isang isla sa Thailand, hindi kataka-taka kung humigit pa sa magkadugo ang kanilang relasyon.
Kung ang host nga na si Richard Gutierrez ay nagkaroon ng realization sa tunay na nadarama ng kanyang puso, ’yun pa kayang mga castaways ang hindi eh, tabi-tabi silang natutulog, sama-samang nagugutom at magkakatulong na sinasagupa ang mga mahihirap na challenges?
* * *
May anak na palang dalaga si Chiqui Hollman-Yulo. At ipinagtanong ng lahat kung sino siya nang una siyang makita sa Eat Bulaga. Hindi lang maganda si Chia, napaka-refreshing pa ng beauty niya. Parang bagong paligo. Marami kasing magaganda ang parang pagod na sa kapapaganda, ang bagong host ng Eat Bulaga, maganda without really trying. ’Yung mga sekretarya ko nga, asked lagi kung sino siya.
* * *
Para namang suntok sa buwan ’yung pinalulutang ng ilan na isang taga-ABS-CBN at namumuno pa ng Star Magic ang magdidirek ng programa ng dating host ng Wowowee sa TV5 na si Mr. Johnny Manahan. Hindi naman siguro ganun kalawak ang pag-iisip ng Kapamilya para payagan ang isang malaking tao nila na insultuhin sila ng harapan.
Kung sabagay, puwede rin namang mangyari ito kung aalis na ang nasabing Star Magic big boss sa pagiging Kapamilya at papayag nang maging isang Kapatid ng TV5.
* * *
Malaking pagkakamali ng isang nagbalita sa Internet na nanganak na si Judy Ann Santos, tapos hindi pala! Bagama’t ang kuryente ay isang malaking kasalanan sa larangan ng pagbabalita, hindi naman ito dahilan para tuluyan nang mawalan ng kredibilidad ang isang reporter.
Hindi naman siya ang unang writer na nakuryente. It will just give him-her a hard lesson to forget na sa susunod ay kailangan niyang i-verify muna ang kanyang facts bago niya ito ilathala. Siguro namayani ang kagustuhang maka-scoop kaya may mga importanteng requirement sa pagsusulat ang nakalimutan niya.
Oh well, nangyayari ang bulilyaso kahit na sa pinakamaingat. Minsan suwerte-suwerte rin iyang pagkakatagpo ng scoop pero kadalasan, bunga rin ’yan ng tiyaga at tamang koneksiyon o source.
- Latest