Pokwang napagod na sa mga kaaway!
MANILA, Philippines - Hindi na sinipot ni Kris Aquino ang huling araw niya sa Pilipinas Win Na Win kahapon.
Mas pinili niyang na magsimba sa Our Lady of Manaoag sa Pangasinan. “Left 3 AM. Made it for full Rosary & Mass in Manaoag. I wanted to start the month w/ a spiritual effort. I need Mama Mary’s intercession to help me become even closer to Jesus. The trip was long but so fulfilling!,” sabi niya sa Twitter account niya kahapon.
Tinanggal sa nasabing programa si Kris dahil ipapasok ang solo program niyang Deal or No Deal sa pantanghali ring slot ng Kapamilya Network.
Isa sa sobra-sobrang nalungkot sa pag-alis ni Kris sa nasabing programa ay si Pokwang. Naging malalim na raw ang friendship nila ni Kris.
Kung sabagay bago pa sila nagkasama ni Kris sa nasabing programa, bilang kapalit sa kampanya niya kay P-Noy ibinigay sa kanya ni Kris ang pink bus niya at noong finally ay magkasama sila sa PWNW madalas isinasama sila ni Valerie Concepcion sa bahay ng ex-wife ni James Yap.
Anyway sa kabila ng maraming intriga sa kanya, hindi natitinag si Pokwang.
Bibilib ka na parang hindi na tumatalab sa kanya.
“Manhid na siguro ako sa rami. Parang kapag hindi mo pinansin dedma na lang. Kasi parang nakakapagod, nakakapagod ding masaktan,” sabi niya sa tsikahan para sa kanyang solo concert series, Endangered Species.
Yup, dumating na nga ang kanyang oras. Wala nang makakapigil at ayaw niyang paawat para sa kanyang first major concert. At hindi lang isang gabi, tatlong gabi simula October 15 hanggang October 17 sa Aliw Theater, hatid ng Camera Entertainment Production at ASAP Live.
Pramis ni Pokwang, ilalantad niya ang iba’t ibang mukha at pakakawalan daw niya lahat ng talentong ibinigay sa kanya - mula sa pagkanta hanggang sa pagsayaw, mula sa pag-arte at pag-impersonate.
“Noong rehearsal palang tawa na kami nang tawa. Tiyak talaga na lahat ng manonood uuwi ng luhaan… luhaan dahil sa kakatawa,” sabi ni Pokwang.
Kahit tadtad ng intriga, wala na siyang pakialam at parang hindi naman apektado ang kanyang six-year old na career. “Alam ko noong pumasok ako sa showbiz na pagdadaanan ko ang mga intriga,” pahayag ni Pokwang.
“Pero hindi ‘yun rason para panghinaan ako ng loob. Tuloy pa rin ang buhay siyempre. Tuloy pa rin ang pagbibigay ng saya. Eto nga at may isa na namang opportunity para makapagbigay aliw sa mga tao.”
Tingnan mo naman ang buhay. Hindi pa natatagalan ng maging grand winner siya sa Clown in a Million, ngayon kung ilang milyon na ang halaga ng kanyang mga nabiling ari-arian.
Aminado rin siyang kahit ilang beses na siyang nag-perform sa harapan ng libu-libong mga tao, kinakabahan pa rin siya ng grabe. “Hanggang ngayon ninenerbiyos pa rin ako. Paano kung hindi matawa sa akin ‘yung mga tao ‘di ba? Ako na lang tatawa sa sarili ko,” saad ni Pokwang.
Sasamahan siya sa first major concert nina Pooh, Chokoleit, Elizabeth Ramsey at Mahal; (October 15) Sam Milby at ZsaZsa Padilla; (October 16) Mommy Dionesia, Melai Cantiveros, Regine Velasquez at Piolo Pascual; (October 17) Melai Cantiveros, John Lloyd Cruz, at Kuh Ledesma.
Para sa tiket inquiries, tumawag sa SM Cinema Ticket Outlet sa 470-2222, Aliw Theater sa 832-6121 o Ticketworld sa 891-9999.
* * *
Natawa ako sa kuwento ng isang baklang kasakay ni LJ Reyes sa eroplano galing ng New York pabalik ng Pilipinas.
Hindi raw pala ito kilala ng mga reporter ng hard news. Karamihan daw kasi sa kasabay nito ay mga reporter na galing sa coverage ng US trip ni P-Noy. Nagtatalo pa raw ang mga kasabay ni LJ kung sino ito at lalong pinagtalunan nila ang tatay ng anak nito.
“Akala nga nila nung una si Paolo Paraiso, basta hindi nila kilala,” sabi ng isang source.
Hanggang bumaba raw sila ng eroplano, hindi nila maalala ang tatay ng anak ng Kapuso actress.
Hello si Paulo Avelino kaya. Ano ba?
- Latest