ABS-CBN iginiit, ilabas ni Willie ang kontrata sa TV5
MANILA, Philippines - Hiniling ng ABS-CBN sa Quezon City Regional Trial Court na atasan ang dating host ng Wowowee na si Willie Revillame na ilabas ang kontrata na pinirmahan nito sa TV5.
Una nang hiniling ni Revillame sa korte na tapusin na ang kontrata niya sa ABS-CBN at mabigyan siya ng mahigit P11 milyong damages.
Sumagot ang ABS-CBN sa kasong naisampa ni Revillame. Nagsampa sila ng counterclaim na P486 milyon laban sa naturang host dahil wala umano itong kapangyarihan na tapusin ang kontrata sa kanila.
“We are asking the court for the production of contracts signed by plaintiff or anybody else in his behalf with TV5,” pahayag ng ABS-CBN counsel, Atty. Miguel Silos sa kanyang manifesto sa ginanap na pagdinig kahapon sa QC Regional Trial Court Branch 84.
Sa isinampang pleading kahapon, nais ng ABS-CBN na aminin ni Revillame na may usapan sila nina TV5 chair Manny Pangilinan sa bahay ng abogado nitong si Atty. Alfonso Reyno sa harap ng business partner at manager na si Vic Del Rosario noong Setyembre 7 at kung ito ay magho-host ng isang variety at game show sa TV5 na eere sa Okrubre.
Nasa hearing kahapon sina Villaraza, Cruz, Marcelo ng Angangco law offices para sa ABS-CBN at sa kampo ni Revillame, ang Bodegon, Estorninos, Guerzon, Borje at Bongco law offices.
Hiniling naman ni Atty. Toni Joy Verano, abogado ni Revillame sa korte na suspendihin muna ang hearing para sa mosyon na makapag-produce sila ng dokumento at sa halip ay unahin muna ang kanilang omnibus motion na nagsaad na atasan ng korte ang ABS-CBN na ideklarang default ang umano’y kabiguan nitong tuparin ang ilang legal procedures.
Sa huli, sinabi ni QC RTC Judge Luisito Cortez na upang maresolba ang parehong mosyon, bibigyan niya ng sapat na panahon ang mga ito upang makapag-file ang magkabilang panig ng dagdag na pleadings.
Ang ABS-CBN ay binigyan ng korte ng hanggang Lunes Setyembre 27 para mag-comment sa omnibus motion at ang kampo ni Revillame ay binigyan ng 15 araw para mag-comment sa request ng ABS-CBN na magbigay ng dokumento hinggil sa kontrata sa TV5.
- Latest