Melai ayaw manahin ang trono ni Maricel Soriano
Ikatlong pagkakataon nang mai-encounter ng manonood ang alien na si Kokey. Una ay sa pelikula, 13 years ago na kung saan naging bestfriend niya ang bata pang si Carlo Aquino. Makaraan ang 10 taon, nagbalik siya sa ating television screen, via a serye na nagtampok kina Joshua Cadelina, Zanjoe Marudo, Nova Villa, Eugene Domingo, Ruffa Gutierrez at ang namayapa nang si Redford White.
Muli nagbabalik si Kokey sa pangatlong pagkataon para hanapin ang kanyang kapatid na si Kekay. Hindi si Kekay ang Ako sa Kokey at Ako kundi si Toni Gonzaga na ang mga magulang ay kinuha ng mga aliens nung bata pa siya kaya naging misyon na niya ang paghahanap ng mga extra terrestrial sa pag-asang makita rin ang kanyang mga mahal sa buhay.
Kasama rin sa serye si Vhong Navarro, ganundin ang tambalan nila Melai Cantiveros at Jason Francisco. Kahit mas maraming proyekto ang una, natutuwa na si Jason na nagkakasama pa rin sila ng kanyang girlfriend of seven months.
Dahil bagong artista, enjoy si Melai kay Toni.
“Ang bilis niyang mag-memorize, walang kahirap-hirap samantalang ako hirap na hirap, minsan nga nakakalimutan ko ang linya ko,” anang PBB grand winner na umaming hindi niya napanood ang pelikula maging ang TV series ni Kokey.
“Kilala ko siya, hindi nga lang ako ang nanonood sa kanya nun kundi ang mga pamangkin ko,” sabi niya.
Sinabi naman ni Jason na hindi siya mahilig manood ng TV. At kahit nanonood man siya, hindi niya panonoorin ang Kokey dahil pang kids lang daw ‘yun.
“First time ko silang makatrabahong dalawa pero matagal ko na silang kakilala dahil hindi ba isa ako sa mga host ng PBB? Pero kahit baguhan sila, magaling silang magpatawa. Enjoy nga ako sa kanila, lalo na si Melai. Hindi nagbago ang kanilang ugali, ganun pa rin sila. Pinapayuhan ko nga sila na huwag magbabago. At dapat ihiwalay nila ang relasyon nila sa kanilang pagiging artista,” sabi ni Toni.
May karapatan namang magbigay ng payo si Toni sa dalawa. Bukod sa nauna siyang mag-artista sa kanila, tahimik din at smooth ang kanyang lovelife. Taliwas sa palaging parang pag-aaway ng dalawa. Hindi rin sigurado si Toni na baka ang biglang kasikatan ng dalawa ay hindi pa nila nagagamayan at maglagay ng hangin sa kanilang mga ulo. Lalo na si Melai na ang kauna-unahang serye sa TV, ang Inday Bote ay balitang nag-top sa rating nung unang linggo ng pagpapalabas nito.
* * *
Excited naman si Melai dahil any day now ay darating na ang kanyang bagong sasakyan. Bahay lamang ang napanalunan niya sa PBB, walang kotse. ‘Yung cash na premyo niya ay maraming kinapuntahan. Hindi niya ginastos lahat, inilagay niya sa bangko para may madudukot naman siya kung saka-sakali.
“Ngayon kailangang magsipag dahil babayaran ko ang kotse buwan-buwan. Kung hindi lang kailangan sa trabaho ko, hindi naman ako bibili noh. Ang mahal-mahal yata nun,” sabi niya sa masyadong mabilis na pagsasalita kaya hindi ako sure kung tama ‘yung narinig ko. Ang malinaw lamang na narinig ko ay ‘oberrrrr’.
Tinatawag si Melai ngayon na Bagong Maricel (Soriano) pero tigas agad ang pagtanggi niya. Nahihiya rin siyang marinig na pinanood siya sa Inday Bote, ang role at pelikula na unang pinasikat ng Diamond Star.
May isa pang tawag sa kanya, Little Princess of Comedy. Ang princess kasi ay si Pokwang.
“Ayaw ko ng title-title, trabaho lang ‘yung ginagawa ko. Nakakahiya,” sabi niya.
* * *
Wala ring paki si Jason sa kung anumang kasikatang tinatamasa nila ngayon ng kanyang girlfriend. Ang importante nagkakasama pa rin sila. Masaya na siya na nagkikita sila. Nang tanungin siya kung ano sa inaakala niya ang dahilan ng kasikatan nila ni Melai, sinabi niyang : “Hindi lang kami loveteam sa screen, totoo kaming loveteam. Dahil nga rito minsan, naaapektuhan ang trabaho namin, nakakaramdam kami ng pressure.
“Ang bilis ng pangyayari, para kaming nasa isla na minsan nangangapa ng aming gagawin, ‘di namin alam kung ano na ang nangyayari. Minsan sa halip na makatulong na mapadali ang lahat, napapahirap pa ni Melai dahil selos siya nang selos. Hindi ko na lang siya pinapansin madalas. Binibigyan ko na lang ng katuwiran ang kasungitan niya. Sabi ko baka may buwanang dalaw o kaya pagod. Ang importante, hindi naman siya nagbabago, madaldal pa rin siya.”
Handa na ba siya kung sakali mang maghiwalay sila?
“Aaminin ko na kapag wala siya, hindi ako makakilos. Pero kung talagang mawawalan kami ng projects na magkasama, susuportahan ko na lang siya,” sabi niya.
Umalis na si Jason sa condo na tinitirhan niya.
“Masyadong mahal ang upa, P15,000. Nakakita ako ng townhouse na mas mura P8,500 lang. Nag-iipon kasi ako. Ang dami kong utang na binabayaran, tapos may dalawa pa akong kapatid na pinapag-aral,” anang dati ay probinsyano pero kahit nahihirapan ay unti-unti nang nakaka-adjust sa buhay sa Maynila
- Latest