Mark nagulat sa demanda ng BIR, hinahabol na negosyo sarado na!
Matagal na nakipagkuwentuhan kahapon kay Papa Lito Atienza ang entertainment press dahil na-miss nila ang butihing ex-Mayor ng Maynila.
Maraming kuwento si Papa Lito at kasulat-sulat ang kanyang mga sinabi. Dahil wala siya ngayon sa public service, itutuloy ni Papa Lito ang pelikula na siya mismo ang producer.
Dahil mahal ni Papa Lito ang Maynila at ang mga residente nito, Maynila ang title ng kanyang pelikula. Naniniwala si Papa Lito na dapat malaman at mapanood ng buong bansa ang mga magagandang pangyayari sa Maynila at ang mga inspiring story ng mga Manileño.
Gagawin ang pelikula, ASAP! May mga naiisip na si Papa Lito na mga artista na magbibida sa Maynila.
* * *
Humingi ng paumanhin si Papa Lito sa mga Chinese dahil sa hostage-taking incident sa Quirino Grandstand na nagwakas sa madugong paraan.
Hindi nakatulog si Papa Lito nang mangyari ang trahedya dahil nanghihinayang siya sa mga buhay na nawala at sa negative impression ng buong mundo sa ating bansa.
Hoping si Papa Lito na maganda ang kalalabasan ng imbestigasyon ni DOJ Secretary Leila de Lima at ng mga kasamahan nito. Naniniwala si Papa Lito na dapat may mga opisyal na managot sa hostage-taking incident.
* * *
Si Papa Lito ang alkalde ng Maynila nang i-hostage ni Jun Ducat ang isang bus na sinakyan ng mga bagets na asang-asa na field trip ang kanilang pupuntahan noong 2007.
Ang ending, ilang oras na huminto sa harap ng shrine ni Andres Bonifacio sa tabi ng City Hall ang bus nang i-hostage ni Ducat ang mga bagets.
Walang nagbuwis ng buhay sa hostage-taking incident noong 2007. Nakaligtas ang mga bata at ipinakulong ni Papa Lito si Jun Ducat.
Non-bailable ang kaso ng hostage-taker kaya nagtataka ngayon si Papa Lito dahil nakalaya si Ducat. Kung sino ang nagpalaya sa kanya, walang nakakaalam!
* * *
Hindi totoo na sinadya ni Yasmien Kurdi na huwag umapir sa presscon ng Grazilda. Mapulang-mapula ang mata ni Yasmien dahil sa sore eyes kaya hindi na siya nagpakita sa presscon. Mas mabuti nang nasa bahay siya kesa mahawahan niya ang mga reporter at ang cast members ng Grazilda.
Starring sa Grazilda sina Cherie Gil, Rio Locsin, Joel Torre, Glaiza de Castro, Yasmien, at marami pang iba.
Ganyan kalaki ang cast ng bagong fantaserye ng GMA Network na dumarayo pa sa Pampanga, Bataan at Baguio City para sa ikagaganda ng mga eksena.
* * *
May interview kahapon ang selected press people kay Lovi Poe pero bukas pa puwedeng i-announce ang kanyang pinakabagong endorsement.
Basta ang masasabi ko, maraming mhin ang magpapantasya kay Lovi kapag na-sight nila ang kanyang pictorial.
* * *
Nag-usap na kami ni Mark Herras tungkol sa kaso na isinampa ng BIR laban sa kanya. Hindi guilty si Mark sa pagkakamali na ibinibintang sa kanya ng BIR kaya haharapin niya ang kaso na isinampa ng BIR sa Quezon City Regional Trial Court.
Aminado si Mark na nagulat siya nang malaman niya ang demanda ng BIR dahil bukod sa matagal nang sarado ang ClubServ, ibang tao at hindi siya ang in-charge sa records ng kanilang negosyo.
- Latest