Dalawang bisita ni Ogie nagkainitan
Masaya ang birthday party ni Ogie Alcasid na ginawa sa clubhouse ng Ayala Hills Estate Friday evening. Maraming bisita si Ogie na pinangungunahan ni President Noynoy Aquino. Nasa party din sina Mother Lily Monteverde, Marivin Arayata, Rufa Mae Quinto, Kyla, Jaya, Vernie Varga, Noel Cabangon, Randy Santiago, na kasama si Regine Velasquez, at nagkantahan.
Inaalam pa namin kung may dagdag na birthday gift si Regine kay Ogie dahil nauna na niya itong niregaluhan ng BMW car. Sky is the limit ’pag nagregalo sa isa’t isa ang dalawa, kaya hindi kami magugulat kung may iba pa siyang regalo sa “Baba” niya.
Memorable kay Ogie ang nakaraan niyang birthday dahil may dalawang bisitang nagkasagutan at ang rason ay ang unsolicited advice ng isa sa family member ng isa. Ang ending, kahit kararating lang, umalis agad ang isa sa dalawang nagkabanggaan at nagpaiwan naman ang isa na nag-enjoy sa party.
* * *
Pagkatapos ng 24 Oras ang airing ng Survivor Philippines: Celebrity Showdown na pilot na bukas with Richard Gutierrez hosting. Marami ang nag-aabang ng airing ng reality show, kaya lang hindi nasunod ang request ng karamihan na sa later time ito ilagay para mapanood ng mga students at office workers.
Ang Noah ng ABS-CBN ang makakatapat ng Survivor Philippines: Celebrity Showdown at ibig sabihin, magkatapat ang mga shows nina Piolo Pascual at ang P.A. cum yaya niyang si Moi Bien. Si Yaya Moi kaya ang castaway na nagpakalbo at nagpa-ahit ng kilay para lang makakain ng pizza habang nasa Ranong island dahil sa sobrang gutom?
* * *
Sina Carmi Martin at Joey Marquez ang gaganap na parents ni Mark Anthony Fernandez sa Say I Do episode ng Love Bug starting this Sunday.
Alam ni Carmi na si Alma Moreno ang original choice sa role ni Chona, pero hindi isyu sa kanya ito dahil natutuwa siya sa project.
Excited din siyang makatrabaho si Joey na first time niyang makakasama, reunion naman nila ito ni Mark na nakasama niya sa Kim Sam Soon at si Lovi Poe na nakasama na rin niya. “Ate” ang pabirong tawag ni Joey kay Carmi na tinatawanan lang nito.
Sabi ni Carmi, bagay sa kanya ang role ni Chona at binabasa pa lang ang script, natatawa na siya at nai-imagine ang batuhan nila ng line ni Joey.
May love life si Carmi, pero itinatago niya dahil ayaw niyang maulit ang nangyari noong nakarelasyon niya si Apa Ongpin na lahat ng kilos nila’y nasusulat. Ang open si Carmi na pag-usapan ay student na uli siya. Enrolled siya sa Philippine Women’s University ng BS Interior Design at tapos na siya ng BS Fine Arts na kailangan para magkaroon siya ng license as interior designer.
- Latest