'Pinas negang-nega!
Negang-nega ang image ng Pilipinas sa buong mundo dahil sa mga kapalpakan na nangyari sa hostage-taking incident sa Quirino Grandstand noong Lunes.
Ang balita ko, afraid na afraid ang mga Pilipino sa Hong Kong dahil baka sila ang mapagdiskitahan ng galit ng mga Chinese. Nag-aalala ang mga kababayan natin doon na baka mawalan sila ng trabaho dahil sa pagpatay sa walong Hong Kong national na na-hostage ni Captain Rolando Mendoza.
Live na napanood sa CNN ng buong mundo ang mga pangyayari sa Quirino Grandstand. Kinukutya ng buong mundo ang mga eksena na nasaksihan nila. Naloloka sila dahil inabot ng labing-isang oras ang hostage situation gayung iisang tao lang ang kalaban nila.
Hindi pinagbigyan ng mga pulis ang request ni Mendoza na makausap nito ang media. Kung pinagbigyan ang demand ni Mendoza, malamang na walang nagbuwis ng buhay sa mga turista.
* * *
Ang hostage taking-incident at ang resulta ng Miss Universe Pageant ang topic kahapon sa presscon ni Mother Ricky Reyes.
Katulad ko, disappointed din ang entertainment press sa police operation.Hinayang na hinayang din ang lahat sa sagot ni Venus Raj.
Noon ko pa sinasabi na dapat sumagot sa wikang Pilipino ang mga kandidata natin sa mga international beauty pageant para ma-express nila nang maayos ang mga sarili. Kumuha na lang sila ng interpreter na magsasalin sa Ingles ng kanilang mga sagot.
Si Miss Mexico ang nag-win ng Miss Universe crown pero sinagot niya sa sariling lengguwahe nila ang question, itsurang nakakaintindi siya ng Ingles. Ganoon dapat ang ginawa ni Venus na halatang-halata na kinabahan kesehodang ang tanong sa kanya ang pinakamadali.
Pero kahit 4th runner-up lamang siya, congratulations na rin kay Venus dahil nakatawid ito sa finals. Karangalan na rin para sa ating bansa ang kanyang naabot sa contest na sinalihan niya.
Hindi man niya nasungkit ang korona, nakatanggap daw si Venus ng maraming regalo mula sa mga kababayan natin na nagpunta sa Las Vegas para suportahan siya.
* * *
Kung magkakaroon ng beauty contest para sa mga senior citizen, tiyak na qualified sina Pilita Corrales, Barbara Perez at Gloria Romero.
Pagkaganda-ganda ng tatlo nang humarap sila kahapon sa mga reporter. White polo shirt at black pants lang ang suot nila pero litaw na litaw ang kanilang mga kagandahan.
Si Mother Ricky Reyes ang pasimuno sa awesome make-over kina Pilita, Barbara at Gloria.
Bagets na bagets ang itsura ng tatlo. Wala sa mukha nila na 70-plus na ang kanilang mga edad.
Sina Pilita, Barbara at Gloria ang mga image model ng Ricky Reyes Salon. Gustong bigyan ni Mother Ricky ng pag-asa ang mga Pilipino na hindi na nag-aayos ng mukha at pangangatawan dahil sa katuwiran na masosyonda na sila. Kung makikita nila ang tatlong image model ni Mother Ricky, tiyak na mabubuhayan sila ng pag-asa dahil sa mga inspirasyon na kanilang matutularan.
* * *
Sinorpresa rin ni Mother Ricky ang entertainment press dahil ang nipis-nipis ng katawan niya as in flat na flat ang kanyang tiyan.
May-I-share sa akin ni Mother Ricky ang sikreto niya. Puro gulay daw ang kanyang kinakain mula pa noong January kaya pumayat siya. Limitado rin ang pagkain niya ng kanin at mga prutas dahil mataas ang sugar content nito. Na-inspire ako sa revelation ni Mother Ricky pero makakatiis ba ako na huwag kumain ng kanin para pumayat?
- Latest