Aga naiyak sa mga sinabi ni Charlene
Gustuhin man talaga ni Richard Gutierrez na tumulong sa promosyon ng In Your Eyes kung saan niya mga kabituin sina Claudine Barretto at ex-girlfriend niyang si Anne Curtis, ngayon pa lang niya ito magagawa.
Kararating niya lang ng bansa mula sa isang tagong isla para sa Survivor Philippines : Celebrity Showdown kaya ganun na lamang ang kanyang pasasalamat sa bumubuo ng cast lalo na sa dalawa niyang leading ladies na napakasipag mag-promote ng pelikula na nagbukas na sa mga sinehan kahapon.
Sa final presscon ng pelikula na dinaluhan nina Claudine, Direk Mac Alejandre, GMA Films’ big boss Annette Gozon-Abrogar at ang writer na si Keiko Aquino, tinawagan si Richard ng mommy niyang si Annabelle Rama at itinapat sa microphone ang cellphone para marinig ng lahat ang kanyang mensahe.
At may dagdag na pambubuko si Claudine tungkol kina Richard at Anne na napaka-sweet umano habang sinu-shoot nila ang pelikula sa Los Angeles, California at sa mga karatig lugar kung saan sila namalagi sa loob ng halos dalawang linggo.
Ayon kay Claudine, inalam niya ang naging cause ng paghihiwalay ng dalawa at umaasa siya (Claudine) na may chance pang magkabalikan ang dalawa.
But as everybody knows, si Richard ay may Jewel Mische ngayon at si Anne naman ay may non-showbiz boyfriend kaya hintayin na lang natin kung matutupad ang pag-asa ni Claudine na magkabalikan ang dating magka-relasyon.
* * *
Modelong maituturing ang mag-asawang Aga Muhlach at Charlene Gonzales-Muhlach kapiling ang kanilang kambal na anak na sina Andres at Atasha.
Nung nakaraang linggo, Salve A. ay tumutok kami sa The Buzz kung saan nagkaroon ng exclusive interview si Charlene sa kanyang asawang si Aga para sa belated birthday presentation nito.
Since isa sa mga (bagong) hosts ng programa si Charlene, hindi ito naging imposible at sa kauna-unahang pagkakataon ay binuksan sa publiko ng mag-asawa ang maraming impormasyon na nananatiling Sagrado at sikreto sa kanila.
In a way, maganda rin ang kanilang ginawa dahil nasilip ng publiko kung gaano sila kasaya bilang isang pamilya at kung gaano nila kamahal ang isa’t isa hanggang ngayon.
Naging sorpresa kay Aga ang pagtugtog sa piano ni Atasha ng Sana Maulit Muli at hindi napigilan ni Aga ang mapaiyak.
Lalong naiyak si Aga nang basahin ni Charlene ang kanyang personal letter para sa asawa.
Kilala noon si Aga sa pagiging pabling pero magmula nang ito’y mag-asawa ay focused na ito sa kanyang pagiging family man.
Ayaw ni Aga na masira ang kanyang pamilya at gusto niya itong manatiling buo hanggang sa huli.
* * *
Personal : Gusto ko lamang iko-congratulate ang anak kong si Aila Marie Reyes sa kanyang pagkakapanalo sa West Japan Student Canoe Competition ng dalawang medalya at certificate - isang 2nd place sa 500m female junior kayak - single at 4th placer sa 500m female junior kayak-pair sa Kansai.
Si Aila bale ang kauna-unahang foreigner at kauna-unahang Filipino student na nakapag-participate sa nasabing competition sa Japan.
Sa August 27 hanggang September 1, national competition naman ang kanyang sasalihan.
Bago ang regional competition, nakapag-uwi siya ng dalawang certificates (3rd placer sa dalawang kumpetition) sa Kwansei Gakuin University kung saan siya nag-aaral.
- Latest