Kris kinain ang mga sinasabi
Wala pa ngang isang linggo nang sabihin ni Kris Aquino na gusto niyang maging magkaibigan pa rin sila ng asawa niyang si James Yap para sa kapakanan ng anak nilang si Baby James. Pero sa programang The Buzz ay kinontra na naman niya ang sinabi niya dahil bukod sa ayaw na niyang payagan na magkita ang mag-ama, sinabi rin niya na hihilingin niya sa korte na huwag nang gamitin ng anak ang apelyido ng ama nito na siyang dahilan para dumulog din sa korte ang sikat na basketbolista para kontrahin ang hinihiling niya at para naman humingi rin ng visitation rights. Huling kita nilang mag-ama nung July 30 at sinabi ni James na miss na miss na niya ang anak.
Unti-unti nang nagkakaroon ng hugis ang isang all-out war between Kris and James, ito ay sa kabila nang pagnanais nilang pareho na ma-spare sa gulo ang anak nila sa ginagawa nilang pagpapa-annul ng kanilang marriage. Whether they like it or not, masasaktan si Baby James hindi man ngayon, ngunit kapag dumating ito sa edad na kakailanganin niyang malaman ang lahat. Sino sa kanyang murang kaisipan ang papanigan niya, ang ama o ang ina? At sino rin ang sisisihin niya sa naging breakdown ng marriage ng kanyang parents?
* * *
Balak ni Congresswoman Gina de Venecia na magtayo ng isang film archive na mag-iingat sa lahat ng pelikulang Pilipino. Popularly referred to as Manay Gina in local showbiz, anak ito ng pamosong star builder na si Dr. Jose R. Perez at ang kanilang Sampaguita Pictures, ang natatanging film studio na naging bahagi ng una at ikalawang golden age ng pelikula nung ’50s at ’70s.
Ang panukala ay iminungkahi sa dinner na inorganisa ng Nagkakaisang Manggagawa ng Pelikulang Pilipino (NMPP) na pinamumunuan ni Joel Lamangan.
* * *
Naihatid na rin sa kanyang huling hantungan ang ama ni Undisputed Jukebox Queen Imelda Papin kahapon ng umaga. Matagal ding naratay sa banig ng karamdaman ang 80 taong gulang na ama na kahit may sakit ay nagawa pang sumama sa maraming okasyon ng kanyang anak na kumandidato bilang senador. Dumating ang walo niyang anak na naninirahan na sa US kasama ang kani-kanilang pamilya at maging ang maybahay ng yumao para sa kanyang libing.
* * *
Nakawiwili sa isang may edad nang tulad ko ang game show ng ABS-CBN na Panahon Ko ’To. Kapag pinanonood ko ito tuwing hapon at bago mag-gabi, mas marami ang tanong na nasasagot ko kaya nung maimbita akong maglaro dito ay kampante ako.
Bukod sa alam ko ang mechanics ng game, positibo ako na marami akong masasagot at malaki pa ang maitutulong sa dalawa kong kasamahan sa team, isa ay ang pangulo ko sa Philippine Movie Press Club (PMPC) na si Melba Llanera, at ang isa ay ang bagets na estudyante ng masscom sa FEU na si Zyrna Adorador. Ang bagets ang nag-isip ng cheer namin pero ako ang nagbigay ng pangalan sa team na Team Ganda. Ayaw nila dahil siguro nahihiya sila pero nagpumilit ako, kaya no choice sila.
Ewan ko pero nang magsimula na ang contest, na-blangko ako, nawalan ng boses. At parang walang nakita! Mabuti na lamang ay hindi nawalan ng presence of mind ang dalawa kong kasama, lalo na ang taga-sagot ng mga questions na si Melba. Pero tricky ang mga questions, umabot lang kami sa first round at pagkatapos na-eliminate na kami.
Masaya ang show, exciting, ’yun nga lang ay kailangang may team work, dapat alert ang tatlong teammates dahil kung hindi, liliit ang tsansa nilang manalo.
Napaka-warm ng mga hosts na sina Billy Crawford at Luis Manzano. Pinalulubag nila ang loob ng mga kasali.
Hindi ako ninerbyos sa kanila, kung kanino at bakit ako ninerbiyos, hindi ko alam.
- Latest