Sarah kailangan ng personal bodyguard
Ikinaloka ko ang karanasan ni Delfin Geronimo sa parking lot ng ABS-CBN noong Linggo. Mahigpit ang security sa ABS-CBN pero napasok pa rin ito ng tao na nagtangka na nakawan ang tatay ni Sarah Geronimo.
Pero mukhang hindi lamang pagnanakaw ang motibo ng suspect. Kapani-paniwala rin ang anggulo na tinangka niyang kidnapin si Mang Delfin.
Nakita ko sa TV ang mukha ng suspect. Matangkad at disente ang kanyang itsura. Walang-wala sa kanyang mukha na gagawa siya ng kalokohan.
Paano kung hindi alerto ang tatay ni Sarah? Paano kung hindi siya nakatakbo at nakahingi ng saklolo sa mga security guard?
May mga duda na matagal nang sinusubaybayan ng suspect ang mga kilos at lugar na pinupuntahan ng tatay ni Sarah kaya naisakatuparan niya ang kanyang pumalpak na plano.
May katuwiran na matakot ang mga tao dahil kung nagaganap ang krimen sa lugar ng isang sikat na TV network na may mga security guard at CCTV camera, maaari itong mangyari sa mga pampublikong lugar at sa mga ordinaryong tao. Nakakaloka ‘ha?
* * *
Masuwerte si Mang Delfin dahil nakaligtas siya sa masamang balak ng suspect.
Mas mapalad si Sarah at ang kanyang madir na si Divine. Ma-imagine ninyo kung ang mag-ina ang inabangan ng suspect?
Oras na para kumuha si Sarah ng personal bodyguard para sa kanya at sa mga magulang niya. Mabuti na ang nag-iingat sila.
* * *
Aligaga si Ace Cruz dahil darating sa linggong ito sa Pilipinas ang American actor na si Michael Madsen.
Si Michael ang bida at co-star ni Ace sa pelikulang Outrage. Darating si Michael sa ating bansa sa Biyernes para sa red carpet premiere at presscon ng kanyang pelikula.
Si Ace ang punong-abala sa pagdating ni Michael dahil siya ang produ, writer at direktor ng pelikula na nag-win sa isang international film festival.
Proud na proud si Ace sa mga achievement ng Outrage sa ibang bansa kaya ginanahan siya na mag-produce ng pelikula na pagbibidahan ni Vanessa Hudgens, ang Fil-Am na bida sa High School Musical.
Ang Boracay ang napipisil ni Ace na maging location ng kanyang next movie project. Matagal nang naninirahan si Ace sa Boracay para makuha niya ang “feel” ng dinarayong tourist spot sa Pilipinas.
* * *
Aaminin ko, nabitin ako sa interbyu ng Showbiz Central kay Annie Yap dahil ang feeling ko, marami pa ang puwedeng itanong sa kanya ni Pia Guanio.
‘Yun nga lang, hindi masyadong ma-express ni Mrs. Yap ang sarili dahil hindi siya bihasa na magsalita ng wikang Tagalog.
Hindi ko alam kung sinagot ni Kris Aquino ang mga pahayag ng kanyang future ex-mother in law dahil hindi ako nanonood ng Pilipinas, Win na Win.
Basta ang alam ko, marami ang naawa at nakisimpatiya sa ina ni James Yap. Nakatulong ang kasimplehan at kahirapan ni Mrs. Yap para ma-gets niya ang simpatiya ng publiko.
- Latest