Eugene Domingo, oportunista
Hindi naniniwala si Eugene Domingo sa kasabihang kapag masuwerte sa career ay malas sa pag-ibig. Nagkataon lamang na sa pagtatagumpay niya sa kanyang career ay nawawalan siya ng panahon para mahanap ang lalaking makakasama niya sa buhay.
Wala naman siyang pagsisising nadarama dahil matagal din bago dumating ang suwerte sa buhay niya at ngayong nararamdaman na niya ito, hindi muna niya pakakawalan, sasamantalahin muna niya at baka bukas ay wala na ito.
Choice naman niya na mas bigyang pansin ang kanyang trabaho. Kahit nagkakapatung-patong ito ngayon ay nagagawa pa niya na bigyan ng panahon ang kanyang sarili. Hindi naman siya nagpapaalipin sa trabaho, katunayan, kagagaling lang niya sa isang bakasyon sa Hong Kong at isinabay niya ang pagdiriwang ng kanyang kaarawan.
“Gusto ko ngang ipakita sa inyong lahat ang kopya ng aking birth certificate para malaman n’yo na hindi pa naman ako huli sa biyahe, may pagkakataon pa akong bumuo ng pamilya, mag-asawa’t magkaanak, pero sinamantala ko lamang ang oportunidad,” sabi ni Uge.
“Sino bang may ayaw magkaroon ng pamilya pero kung hindi pa oras, bakit ko pipilitin? Heto ang mga magagandang offers na dumarating sa aking harapan, bakit ko naman tatanggihan?”
Ang nakatutuwa, parang walang network war sa kanya. Hot property siya ng GMA 7, pantapat sa pambato ng kalabang ABS-CBN kay AiAi delas Alas pero pinapayagan pa rin siyang mangapitbahay. Magkakaroon siya ng regular show sa TV5 kung kaya nung makausap namin siya ay naroon siya sa Paparazzi para mag-promote naman ng kanyang pelikula sa Regal Films na Mamarazzi.
Two nights before ipinapa-presscon naman siya ng Kapuso Network dahil nakatakda nang ipalabas ang kanyang dramedy dito na Jejemom, may pagkakahawig sa Mamarazzi dahil parehong single parent ang mga roles niya, mommy na daddy pa, sabi ng slogan ng movie niya kay Mother Lily.
Nakatakda niya ring gawin ang ikatlong sequel ng Tanging Ina para sa Star Cinema, nakapagsimula na sila ng pag-uusap bago pa lumabas ang intriga na hindi niya ito magagawa dahil ayaw na niyang maging suporta ni AiAi.
“Hindi ito totoo, iba ang friendship namin ni AiAi na tinatawag kong BFF. Gaano man kami pagtapatin ng tao at pilit man kaming pag-awayin, hindi na nito makakayang buwagin ang aming pagkakaibigan na tumagal na ng maraming taon. Walang kuwestiyon kung anuman ang narating ko na, basta kailangan ako sa Tanging Ina 3, game ako, ako na ang nagpiprisinta,” madiin niyang sabi.
- Latest