Charlie Davao namaalam na!
CEBU — Nasa hotel lobby pa lang si Tita Annabelle Rama, isa sa mga judges sa ongoing audition ng Star Factor search ng TV5, may nag-audition na sa kanya. May kumanta sa harap niya. Nagalingan ang isa sa mga hurado. Pero ang puna niya agad, i-blow dry ang hair at tanggalin ang makeup.
“Pag bata, she’s only 12, pinatatanggal ko ang make up para makita ’yung tunay na ganda,” katuwiran ni Tita A.
“Puwede siya. Pero hindi pang-bida. Maraming kailangang support ang TV5. Uso ngayon ang mga Koreano ang hitsura tulad niya.”
Kahapon kasi, nagkaroon ng audition ang TV5 dito sa Cebu. Dagsa ang mga nag-audition. Lahat talented – 39 ang nakuha nila from Cebu and 13 from Davao – mula sa maraming dumagsa nang mag-announce sila for screening para sa nasabing bagong talent search ng Kapatid Network.
Well loved si Tita Annabelle dito sa Cebu at sikat na sikat. Yup, because she’s a proud daughter of Cebu. Nanggaling siya sa lugar na ito. At sa tuwing narito siya, memorized niya ang buhay ng kanilang pamilya noon.
Imagine, very enterprising pala siya noon pa?
“Nasa elementary pa lang ako, nagbebenta na ako ng guava kasi hindi ako binibigyan ng pera ng parents namin noon,” pag-aalala niya.
Lahat daw ng negosyo ng pagtitinda sa eskuwelahan, naranasan niya.
Noon ’yun, ngayon hindi na niya kailangang magbenta ng kahit ano.
Kung magbebenta man siya, hindi na lang basta prutas. Mga alahas na at wala na siyang pahinga sa rami ng trabaho.
Success story ang buhay ng bagong Kapatid star! Kaya naman hinahanap ng katawan niya ang trabaho.
Tuwing Saturday and Sunday at wala siyang trabaho, hinahanap na ng katawan niya. At kung ang ibang tao ay nagrereklamo na wala silang pahinga at puro trabaho, kabaliktaran naman ito kay Tita A.
“’Pag Saturday and Sunday parang ni-rape ako. Kasi wala akong trabaho. Parang mahina ang katawan ko, parang may sakit. Pero ngayon ’pag Sunday, meron ng Star Factor. Hindi na ako manghihina,” sabay tawa niya.
Anyway, bago ang ginanap na audition sa Marriot Hotel, nag-presscon ang mga tumatayong judges ng Star Factor, kasama sina Ryan Cayabyab, Direk Joey Reyes, Raymond Isaac, and Audie Gemora.
May nagtanong kay Tita Annabelle na local press kung ano ang magiging style of judging niya.
“Hindi ako puwedeng magtaray dahil mga kababayan ko ang mga contestants. Saka panoorin naman ninyo ang In Your Eyes, pelikula nina Richard (Gutierrez), Claudine (Barretto), and Anne (Curtis),” sabay promote nito.
And as a judge, ngipin pala ang unang tinitingnan ni Tita A. Say niya, “Kasi ayoko nang may false teeth. Saka ’yung sungki-sungki, ayoko nun.”
Buhay na buhay ang nasabing presscon dahil kay Bisaya. Aliw ang local press sa mga sagot niya: “Very proud ako dahil Inglesero ang mga kasama ko. Napansin n’yo, hindi ako masyadong nagtataray kasi ang gagaling nilang mag-English, ako lang ang Tagalog nang Tagalog. Hindi ko na-imagine na makakasama ko sila sa show.”
Bago ang Star Factor, may offer pala si Bisaya na magkaroon ng sariling comedy show sa dalawang higanteng channel – ABS-CBN and GMA 7. Pero hindi naman kasi siya artista kaya hindi siya marunong umarte. At kung sakaling gagawin niya ang Monster Mom 2, magwo-workshop muna siya.
* * *
Namatay na kahapon ang beteranong aktor na si Charlie Davao. Sa earlier years niya, kadalasan ay kontrabida ang role ng aktor, ayon kay Tito Ronald Constantino.
Pero nagbida rin ito sa local James Bond role. “Pero usually, kontrabida roles, nagbida, and then naging character actor na siya,” dagdag na kuwento ni Tito Ronald.
He never won an award, pahabol nina Tito Ronald and Tito Mario Bautista.
Dapat sana ay imi-meet ng grupo nina Tita A si Ricky Davao, pero nang makarating ito ng Mactan Airport, naghintay na siya ng flight pabalik ng Manila dahil nalaman na niya ang nangyari sa ama. Umiiyak siya nang makausap ni Tita A sa telepono.
Huling request ng dating aktor ang makita ang kanyang mga kaibigang mga artista kasama na ang mag-asawang Annabelle and Eddie Gutierrez.
Nagkaroon ng mass last Friday sa Philippine General Hospital kung saan matagal na na-confine si Mr. Charlie.
- Latest