LT iwas na iwas manood ng Cats
Aminin mo, Mama Salve, nag-enjoy tayong dalawa sa panonood ng CATS noong Huwebes, kesehodang mga aso ang favorite pets ko.
Maaga kaming nagkita ni Mama Salve at ng aming mga kasama sa Manila Hotel noong Huwebes. Kumain muna kami para hindi kami gutumin habang nanonood ng CATS sa CCP.
Alam ko na mahigit sa dalawang oras ang running time ng CATS. Kung hindi kami kakain, aabutin kami ng gutom at baka ito pa ang maging rason para hindi namin matapos ang panonood.
Nakita namin sa CCP si Aster Amoyo na nagyaya na pumunta muna kami sa restroom. Mabuti na lang, hindi ako sumama kay Mama Aster or else, kasama niya ako sa napagsarhan ng pinto dahil biglang nag-umpisa ang palabas.
Napakahaba kasi ng pila sa ladies restroom dahil marami ang nanood ng CATS noong Huwebes ng gabi. Seventeen minutes ang lumipas bago pinapasok sa loob ng teatro ang mga late-comer at ang mga nagpunta sa restroom.
* * *
World-class talaga ang CATS at lalong world class si Lea Salonga na nag-iisang Asian dahil mga Australian ang karamihan sa mga performer.
Lumipad noon si Lea sa Sydney para sa rehearsal ng CATS. Malaki ang natipid ng produ dahil triple ang gastos kung ang Australian cast ng CATS ang nagpunta sa ating bayan para mag-rehearse.
Ang ganda-ganda ng pagkakakanta ni Lea sa Memory. Naka-relate ako sa lyrics ng kanta dahil sa bonggang pagkanta ni Lea. National treasure na talaga ang tingin ko sa kanya.
* * *
Niyaya ko si Lorna Tolentino na panoorin ang CATS pero nag-dialogue siya sa akin na manonood na lang siya sa Broadway.
Showing pa ba ang CATS sa Broadway? Ang feeling ko, umiwas si LT na huwag panoorin ang CATS dahil malulungkot lamang siya. Silang dalawa ni Rudy Fernandez ang magkasama sa panonood noon ng CATS sa New York at dito napaluha si Daboy habang kinakanta ng girl na gumanap na Grizabella ang Memory.
* * *
Nakakita ako ng maraming pussycat sa CCP. Ang baklitang pusa ang favorite ko dahil nang-aagaw siya ng eksena. Hanggang sa ending ng show, tinalbugan niya ang ibang mga artista na mukhang pusa sa paningin ko dahil sa kanilang mga kilos.
Tatlong musical play na pinagbidahan ni Lea ang napanood ko, ang Miss Saigon, They’re Playing Our Song at CATS. Pinakapaborito ko ang They’re Playing Our Song na pinanood ko noon sa AFP Theater dahil maraming kanta ang pamilyar sa pandinig ko.
Nakabibilib ang boses ni Lea. Kahit nagkaedad na siya, hindi pa rin nagbabago ang timbre ng kanyang malinaw na boses. Bibihira ang mga singer na may ganoong quality ng boses.
Mala-anghel ang singing voice ni Lea. Parang ipinaghehele ng boses niya ang mga nanonood at nakikinig sa kanya. Agree ka ba Mama Salve? (Opo naman. - SVA)
- Latest