Martial art ni Bruce Lee ipakikilala sa pelikula
MANILA, Philippines - Ang Hong Kong star na si Donnie Yen ay muling gumaganap sa Ip Man 2 na semi-autobiographical sequel hango sa mga pakikipagsapalaran ng grandmaster ng Wing Chun. Ang digmaang Tsina-Hapon ay katatapos pa lamang at matagumpay na naipagtanggol ni Master Ip ang kanyang bansa sa pamamagitan ng wushu. Tumakas siya mula sa mga Hapones at nanirahan na sa Hong Kong kasama ang kanyang pamilya noong 1949.
Naging mahirap ang kanilang pagsisimula sa Hong Kong ngunit sa tulong ng chief editor ng isang diyaryo roon, pinatuloy si Ip sa isang lugar at nagsimula nang magturo ng Wing Chun upang makapaghanapbuhay.
Nahirapan si Ip na makatipon ng sapat na dami ng estudyante dahil hindi kilala ang kanyang martial art doon. Isang araw, isang lalaking nagngangalang Wong Leung (Huang Xiaoming) ang naghamon sa kanya at dagliang natalo. Dahil dito, si Wong mismo ang tumipon sa kanyang barkada upang magpaturo ng Wing Chun kay Master Ip Man.
Mayroon isang pagkakataon na si Wong naman ang inaway ng isang siga si Cheng Wai Kei (To Yue-Hong), ang lider ng mga tropang may alam sa tinaguriang Hung Fist. Nadaig ito ni Wong ngunit sumumpa si Cheng na maghihiganti. Kinailangang makialam si Ip Man para protektahan si Wong. Sa isang pangyayari, nakilala ni Ip Man si Master Hung (Sammo Hung) na inakusahan si Ip Man ng hindi pagtalima sa mga batas ng wushu society. Upang magkaroon ng karapatan si Ip Man na magturo ng wushu sa Hong Kong, kailangang magapi niya ang mga master ng iba’t ibang estilo ng wushu. Tinanggap naman ni Ip Man ang mga ito maliban kay Master Hung na kasinghusay niya sa martial arts. Sa ganitong paraan ay nagkamit siya ng respeto ni Master Hung.
Sa isang organized event, isang western boxer ang nagmaliit sa traditional Chinese martial arts at hinamon sinuman upang talunin siya. Pero sa bandang huli, maging ang mga banyaga ay humanga kay Ip Man. Nabawi niya ang dignidad ng mga Tsino.
Ang Wing Chun ay naging tanyag sa buong Hong Kong at ang iginagalang na master ay nagsimula sa pagtuturo sa isang batang disipulo na nagngangalang Bruce Lee na siyang magpapatanyag sa art ng Chinese wushu sa buong mundo bago siya pumanaw sa murang edad na 32.
Ang Ip Man 2 na dubbed sa English ay ipinamamahagi sa bansa ng Solar Entertainment Corp at palabas na sa Aug. 18 sa inyong paboritong sinehan.
- Latest