TJ Manotoc nasa primetime na sa ANC
MANILA, Philippines - Inabangan ang pagdating ng brodkaster na si TJ Manotoc sa primetime newscast ng ANC, the ABS-CBN News Channel na The Rundown kagabi.
Yup, makakasama na ni Ces Oreña-Drilon mula Lunes hanggang Biyernes ng 8:00 p.m. ang beteranong mamamahayag na tatalakay sa paggamit ng bagong teknolohiya para umasenso, mga kuwentong may dalang inspirasyon, at mga report mula sa citizen journalism campaign na Bayan Mo, iPatrol Mo sa kaniyang segment.
Gagamit pa ng I-Pad si TJ upang ipakita ang mga reaksiyon at opinyon ng mga manonood habang umeere ang programa.
“Ito ang munting kontribusyon ko sa pagbubuo ng bansa,” ani Manotoc sa kaniyang bagong assignment.
Tulad niya, nais ding magdala ng pagbabago sa buhay ng mga Pilipino ang kilalang sports enthusiast at environmentalist na si Paolo Abrera, na napanood na sa Mornings@ANC simula kahapon din, 9:00 a.m. sa ANC.
Si Paolo ang bagong sports and technology guy ng programa at host ng bagong segment tungkol sa kalikasan na Going Green.
Nagpahayag ng pananabik si Paolo na makasama sina Ginger Conejero, Ron Cruz at Gigi Grande sa araw-araw na paghahatid ng balita at iba pang importanteng impormasyon sa Mornings@ANC.
“Malaking karangalan ang maging bahagi ng isang respetadong news channel sa bansa,” ani Abrera.
Samantala, inilunsad na rin kamakailan lang ang bagong programa ni Tony Velasquez na Future Perfect na tumatalakay sa gamit ng mga bagong teknolohiya sa mga Pilipino tuwing Miyerkules ng 7:00 p.m.
Inabangan naman ang dalawang dokumentaryong hatid ng ANC na nagbigay linaw sa mga isyu sa kasalukuyan at nakalipas na administrasyon. Noong Hulyo 26, sinimulan na ni Senior ABS-CBN News Reporter Lynda Jumilla ang apat na linggong paghihimay sa mga eskandalong pumutok noong panahon ni Arroyo sa The Arroyo Years: A Legacy of Unfinished Business. Noong Lunes, binalikan ni Jumilla ang kontrobersiyang Hello Garci.
Sa Huwebes naman ng 9:30 p.m., mapapanood ang pinakamalalaking isyu at hamong kinaharap ni Pangulong Aquino bawat linggo sa The First 100 Days, kasama ang iba’t ibang batikang anchor ng ANC.
- Latest