Sunshine Dizon balik-TV
MANILA, Philippines - Matapos magpakasal sa kanyang non-showbiz boyfriend ilang buwan na ang nakakaraan at mabalitang buntis, heto at muling nagbabalik-telebisyon ang mahusay at award-winning na aktres na si Sunshine Dizon ngayong Sabado sa bagong episode ng Claudine.
Pinamagatang Love Thy Neighbor, iikot ang kuwento sa buhay ng dalawang babaeng pinaglapit ng isang aksidente. Nagkabanggaan ang sasakyan nina Melba (Sunshine) at Janet (Claudine) na naging dahilan para mabiyuda si Melba habang naparalisa naman ang asawa ni Janet.
Mula man sa magkaibang antas ng buhay, sabay nilang haharapin ang mga pagsubok na dulot ng aksidenteng bumago sa kanilang mga buhay. Sino nga ba ang dapat sisihin sa pangyayari?
Kasama rin sa cast sina Polo Ravales, Yul Servo, Biboy Ramirez, at Raquel Montesa.
Mula sa direksiyon ni Argel Joseph, tunghayan ang episode na ito ng Claudine pagkatapos ng Kaya ng Powers sa GMA 7.
- Latest