Unang hakbang pa lang, Piolo pumalpak agad kay KC
Marunong bang umarte si Eric Santos? Biruin mo sa isa pang napaka-popular na programa at isa sa kinikilalang pinaka-mahusay na drama anthology na umeere sa kasalukuyan sa TV, ang Maalaala Mo Kaya, siya napasali. At hindi siya kakanta ng theme song nito, aarte siya, gagampanan niya ang role ng pinaka-mahalagang character sa episode.
Mukhang mapapasubo si Eric at talagang kailangang mag-effort dahil ispesyal ang episode na kinunan pa sa Macau sa direksiyon ni Mae Cruz.
Sinasabing lahat ng na-feature na artist sa MMK ay gumaling na artista, mapabilang kaya sa talaan ang mahusay na manganganta? At ito na ba ang simula ng kanyang pagiging isang aktor?
***
Tama nga naman na magulat si KC Concepcion dahil mas nauna pang inamin ni Piolo Pascual ang damdamin nito sa kanya sa TV. Wala nga namang babae ang gustong mas mauna pa ang ibang tao na makaalam ng damdamin ng isang lalaki sa kanya. Siyempre, gusto niyang malaman ito first hand.
Paano pa nga naman makaka-first base sa kanya ang magaling na aktor kung sa unang hakbang pa lamang na ginawa nito para ipabatid sa kanya ang layunin nito ay palpak kaagad?
At paano gagamutin ni Piolo ‘yung mga lumabas sa internet na pinagsasasabi diumano ng kanyang anak na bagaman at masasabing bata pa lamang ay nagpamalas na ng kanyang hindi pagsang-ayon sa kanyang layunin kay KC? Malaking problema niya ito?
***
Kung mas sigurado na sa hindi ang pagbabalik ng dating host ng Wowowee sa nasabing programa na tulad ng mga naunang nasulat na, latest development dito ay lumabo na ang pag-asang makikita ang pagbabalik ng dating host sa show dahil may anunsiyo na lumabas sa TV na iniaalok ang slot ng programa kay Kris Aquino na malapit nang magbalik. Baka mas malamang sa hindi ay mawala ang Wowowee at mapalitan ito ng bagong programa, siguro para matigil na rin ang mga ispekulasyon tungkol dito na sinasawsawan na rin ng marami.
Oo nga naman. Kung talagang wala nang balak na kuning muli ng network ang serbisyo ng dating host, ganun na nga talaga ang gagawin nila, palitan ito ng bagong palabas para mawala na rin ang pagsasabi ng marami na sa dating host lamang ito bagay at hindi sa kung kani-kanino.
- Latest