Pinag-uusapan: James parang basurang itinapon ni Kris
Alam mo, Salve A., mahirap manimbang sa dalawang taong kapwa malapit sa aking puso ang writer-turned talent manager na si Norma Japitana at ang (dating?) alaga nitong si Cesar Montano.
Hindi mo naitatanong Salve A., si Norma J. ang kauna-unahan kong boss. Wala siguro ako sa industriyang ito kung hindi dahil kay Norma J. at mataas ang aking paggalang at pagpapahalaga sa kanya.
Bukod sa dati ko siyang boss, magkasama pa kami sa PAMI (Professional Artists Managers, Inc.) bilang mga founding members. Habang si Buboy naman ay isang malapit na kaibigan at kumpare dahil inaanak namin ang bunsong anak nila ni Sunshine Cruz.
Nung nakaraang Huwebes ay mainit na pinag-usapan sa umpukan ng mga entertainment writers ang tungkol sa hindi inaasahang ‘paghihiwalay’ nina Norma J. at Buboy (Cesar) na ikinabigla ng marami lalupa’t 26 na taon ang kanilang pinagsamahan. Bilang active member ng PAMI, dumulog si Norma J. sa organisasyon na may kinalaman sa problema nila ni Buboy.
Nung hapon ng Huwebes ay lumagda ng kontrata si Buboy sa GMA na may kinalaman sa dalawang TV projects na kanyang gagawin, isang sitcom at isang fantasy-drama series, ang Romana Santa (tentative title). Pumirma ng kontrata ang aktor ng walang basbas ang kanyang manager na si Norma J. at ito ang labis na ikinagulat ng huli. Pumirma ng kontrata ang mister ni Sunshine Cruz sa Kapuso Network kasama ang kanyang bagong business manager, ang entertainment writer/PR na si Shirley Pizarro.
At kinagabihan ng Huwebes ay nagkaroon ng emergency meeting ang PAMI.
Sa kanyang contract signing sa GMA, sandali naming nakakuwentuhan si Buboy at sinabi nito na nag-usap na umano sila ni Norma J at sinabi niya sa kanyang (dating) manager na magkakaroon na lamang sila ng special arrangement - on a per project basis dahil busy din ito (Norma J.) sa kanyang ibang talents laluna si Rico J. Puno na madalas niyang sinasamahan sa ibang bansa.
Nangyari ang desisyon na ito ni Buboy nang minsang sumabit siya sa isang kompormiso sa TM (Globe) nang wala umano siyang kaalam-alam dahil hindi ito na-coordinate sa kanya ng kanyang manager at staff nitong si Leah.
“Ate Norma will always be a part of me dahil sa matagal na rin naming pinagsamahan. She can still get projects for me, pero may mga projects na puwede kong tanggapin na hindi ko na kailangang idaan pa sa kanya,” paliwanag ni Buboy.
Kung pinakinggan na ng PAMI ang reklamo ni Norma J. na may kinalaman kay Buboy, bukas din ang organisasyon na pakinggan ang side ng mister ni Sunshine.
Samantala, tinanggap ni Buboy ang alok ng GMA dahil wala naman daw klarong alok sa kanya ang ABS-CBN. Kamuntik na ring maging Kapuso noon si Buboy kung hindi lamang siya nag-back out sa Lupin dahil sa kanyang pagkandidato sa pagka-senador.
Nitong nakaraang halalan ay muli siyang tumakbo sa pagka-gobernador ng kanyang hometown sa Bohol pero hindi siya pinalad na manalo kaya gusto munang isantabi ni Buboy ang kanyang political plans at muli siyang mag-focus sa kanyang showbiz career.“I need to work,” aniya.
Naikuwento nga pala sa amin ni Buboy na walang problema sa kanya kung babalikan ni Sunshine ang kanyang acting career. Gusto ring mag-showbiz ng teen-age son ni Buboy (kay Teresa Loyzaga) na si Diego na umuwi galing Australia at kapiling ngayon ni Buboy at ng kanyang misis na si Sunshine.
Ang pagdating ni Diego ay nakatulong para unti-unting mabawasan ang pangungulila ni Buboy sa kanyang namayapang anak na si Angelo.
***
Isang rock mini-concert ang magaganap sa ika-pitong kaarawan ni Lorin Gabraiella Gutierrez Bektas, ang panganay sa dalawang anak ng estranged couple na sina Yilmaz Bektas at Ruffa Gutierrez sa darating na July 25 (linggo) na gaganapin sa Wack Wack Golf &Country Club. Dumating kaya sa kaarawan ni Lorin ang kanyang amang si Yilmaz na matagal nang napapabalitang darating ng PIlipinas para dalawin ang kanyang mga anak?
Dumating din kaya Salve A., ang napapabalitang bagong manliligaw ngayon ni Ruffa na si G. Cesar Flores?
Matapos ang short-lived romance nina Ruffa at John Lloyd Cruz, deserve naman ng mommy nina Lorin at Venice na makahanap ng bagong kaligayahan. Si Cesar F. na nga kaya ‘yon?
Sa totoo lang, Salve A., mukhang pang-foreigner ang beauty ni Ruffa na kakaiba ang glow ngayon.
***
First it was Phillip Salvador, pangalawa si Joey Marquez at ngayon naman ay si James Yap na parang trapo na basta na lamang ibinasura ni Kris Aquino. Ito ang mga komento ng marami sa pattern ng pakikipag-hiwalay ni Kris sa kanyang mga naka-partner.
Si Ipe (Phillip) ang ama ng panganay ni Kris na si Joshua. Wala namang naging bunga ang relasyon nila ni Joey Marquez pero napaka-controversial din ng kanilang relasyon.
At ngayon ang cager na si James Yap, ang tanging pinakasalan ni Kris matapos ang isang whirlwind relationship. Meron silang anak, si Baby James. Tulad ng mga naunang relasyon ni Kris, naging napakalaking kontrobersiya rin ng paghihiwalay nila na hanggang ngayon ay umaasa pa rin na maaayos ang kanilang pagsasama pero mukhang nilagyan na ito ni Kris ng tuldok.
Hindi man nagsasalita si James sa nangyaring hiwalayan nila ni Kris, halatang nasaktan ito nang husto dahil sa mga pangyayari.
- Latest