'Under construction'
Hindi ako magugulat kung mataas ang ratings ng Showbiz Central noong Linggo dahil maganda ang kanilang mga showbiz stories.
Well-researched ang life story ni Cesar Montano at talagang tinutukan ng madlang-bayan ang pagsasalita ni Pia Guanio tungkol sa diumano’y paghihiwalay nila ni Vic Sotto.
Ang balita ko, tuwang-tuwa si Cesar dahil hindi nito inaasahan na mahahanap at maiinterbyu ng Showbiz Central ang kanyang mga kaklase at teacher sa high school na pinasukan niya noon sa Sta. Ana, Manila.
Kitang-kita naman sa mukha ni Cesar ang pagkagulat nang mapanood niya ang mga interbyu sa kanyang teacher, classmate, at mga kaibigan. Masayang-masaya si Cesar nang umalis sa studio dahil sa mga surprises sa kanya ng Showbiz Central.
***
Baka mahinto na ang mga speculations ng mga tao tungkol sa estado ng love affair nina Pia at Vic dahil sa pagsasalita nila sa Showbiz Central noong Linggo.
Walang kinumpirma o idinenay si Pia pero feel na feel ng mga televiewers na may problema sa relasyon nila ni Bossing.
Matutuwa ang dalawa kapag nalaman nila na marami ang nagdarasal at umaasa na maaayos ang kanilang problema.
Babae rin ako kaya naka-relate ako kay Pia na kilala sa pagiging bubbly pero napaiyak nang magpaliwanag tungkol sa under construction na relasyon nila ni Bossing.
***
Hindi lamang si Pia ang napaluha sa Showbiz Central. Umiyak din ang mag-asawang Raymart Santiago at Claudine Barretto na natsismis noon na nagkakalabuan pero mabilis ang denial ng aktres.
Napaiyak ang mag-asawa dahil ipinagluluksa nila ang isang kaibigan na namatay dahil sa breast cancer.
Super close ang mag-asawa sa kanilang kaibigan na namayapa dahil ito ang marriage counselor nila.
Ikinagulat ng mga televiewers ang pag-iyak ni Raymart dahil never itong nakita na umiyak sa TV. Hindi naitago ng mag-asawa na deeply affected sila sa pagpanaw ng kaibigan nila. Ngayon nga pala ang birthday nina Claudine at Raymart. Parehong July 20 ang kanilang mga kaarawan at kahapon naman ang birthday ng anak nila na si Santino.
***
Nandito sa Pilipinas si Ace Cruz, ang Fil-Am actor na alaga ni Alfie Lorenzo. Umuwi sa Pilipinas si Ace para i-promote at ihanap ng distributor ang Outrage, ang pelikula na pinrodyus niya at nag-win sa Cannes Film Festival.
Sa mga hindi nakakaalala kay Ace, umapir siya noon sa mga pelikula ng Viva Films. Ang Mistah ang kanyang unang movie project at dito niya nakilala ang magkapatid na Robin at Rustom Padilla.
Napa-smile si Ace nang tanungin siya ng mga reporters tungkol kay Rustom na kilala na ngayon bilang BB Gandanghari.
Very macho noon ang say ni Ace tungkol kay Rustom. Sa sobrang kamachohan ni Rustom, walang mag-aakala na magiging ganap na babae ang kanyang pangarap na nagkaroon naman ng katuparan.
Sa rami ng mga kakaibang pangyayari ngayon, hindi tayo dapat mag-wonder kung darating ang araw na magiging leading lady ni Ace sa pelikula si BB.
Baka si Ace pa ang maka-fulfill sa dream ni BB na maka-penetrate sa international scene. ’Yun nga lang, dapat munang magpakita si BB sa publiko dahil matagal-tagal na rin mula nang mamayagpag siya sa showbiz.
Tahimik ngayon si BB. May duda ako na may sorpresa uli siya sa kanyang pagbabalik sa eksena. Punum-puno siya ng surprises ’di ba?
- Latest