Direk Frasco umaming natulungan ng impluwensiya ni Charo
Ilang linggo o araw na lamang ang bibilangin ng young actress na si LJ Reyes ay isa na siyang ganap na ina kapag lumabas na ang lovechild nila ng young actor na si Paulo Avelino, si Ethan Akio, na nakatakdang isilang sa huling linggo ng buwang ito o ’di kaya’y sa unang linggo ng Agosto.
Automatically ay magiging American citizen ang baby nina LJ at Paulo dahil sa New York, USA ito nakatakdang isilang ng young actress. Hinihintay pa ni LJ ang pagdating sa New York ng kanyang nobyo na inaasahan niyang dumating bago ang kanyang panganganak. Inaasahan ding magkakasama na silang babalik ng Pilipinas kapag puwede nang ibiyahe si Baby Ethan. At kapag puwede nang iwan ang baby nila ay magbabalik-showbiz din sila.
Samantala, kung masaya ngayon si LJ, masaya rin ang kanyang ex-boyfriend, ang actor-turned politician na si Alfred Vargas na malapit na ring ikasal sa kanyang non-showbiz girlfriend.
* * *
Magtatala ang Star Cinema ng bagong trend sa pagpu-produce ng isang quintology sa halip na trilogy horror movie sa pamamagitan ng Cinco na binubuo ng limang magkakaibang kuwento at idinirek ng limang magkakaibang direktor na binubuo nina Enrico Santos, Frasco Mortiz, Ato Bautista, Nick Olanka, at ang box-office director na si Cathy Garcia-Molina.
Ang limang istorya ay magkatulong na binuo nina Direk Enrico at ni Joel Mercado na mag-isang sumulat ng script.
Si Direk Frasco ang nagdirek ng Braso episode na tinampukan ng Gigger Boys na sina Sam Concepcion, AJ Perez, at Robi Domingo.
Ang writer-turned director na si Enrico naman ang nagdirek ng Paa na pinangungunahan naman ng mahusay na aktres na si Jodi Sta. Maria.
Ang Mata na tinatampukan nina Maja Salvador, Rayver Cruz, at David Chua ay dinirek ng indie movie director na si Ato Bautista.
Ang pang-apat na episode, ang Mukha ay pinamahalaan ni Nick at pinagbibidahan naman ni Mariel Rodriguez habang ang pang-limang episode na comedy-horror ang tema ay kay Direk Cathy at pinamagatang Puso, starring Pokwang at Zanjoe Marudo.
Sa limang direktor, apat ang first-timer sa pagdidirek sa mainstream. Si Direk Cathy ay subok na sa box office.
* * *
Kung hindi kaya anak ni Direk Edgar “Bobot” Mortiz at pamangkin si Direk Frasco ng ABS-CBN president na si Charo Santos-Concio at managing director ng Star Cinema na si Malou Santos, iba kaya ang kanyang propesyon ngayon? Ito ang tanong namin sa batang direktor ng Braso.
Aminado si Direk Frasco na malaking tulong ang kanyang pagiging anak ni Direk Bobot at pagiging pamangkin ng dalawang big bosses ng ABS-CBN at Star Cinema pero gusto rin niyang bigyan ng merito ang kanyang sariling kakayahan.
Ayon kay direk, bata pa siya ay exposed na siya sa pagdidirek dahil madalas siyang bitbit ng kanyang celebrity dad sa mga idinidirek nitong TV sitcoms tulad ng Tropang Trumpo noon sa ABC-5 na tinampukan nina Ogie Alcasid, Michael V., Carmina Villaroel, Gelli de Belen at iba pa.
May binuo ring konsepto noon si Direk Bobot para sa dating ABC-5, ang pambatang version ng Tropang Trumpo pero hindi ito natuloy at nang ito’y kanyang iprisinta sa ABS-CBN, nagustuhan ng management at dito nabuo ang top-rating na Goin’ Bulilit na nagsimulang idirek ni Direk Bobot at ngayon ay ipinagpatuloy ni Direk Frasco na nagsimula sa pagiging co-director ng programa.
Si Direk Frasco ay panganay sa apat na anak nina Bobot at asawa nitong si Millet Santos, kapatid nina Charo at Malou. Sumunod kay Frasco sina Badjie (scriptwriter for TV at part time actor), Calin, at Camille.
Sa apat na magkakapatid, tanging si Calin na lamang ang walang asawa. Magli-lima na rin ang apo nina Boboy at Millet dahil buntis ngayon sa kanilang ikalawang anak ang misis ni Frasco na si Ellen Angeles-Mortiz.
Nagtapos si Frasco ng visual communication sa UP. After graduation, nagtrabaho siya sa adprom ng Star Records kung saan siya namalagi sa loob ng walong buwan hanggang sa maging copywriter siya ng mga house plugs ng ABS-CBN mula 2001-2005.
Ang amang si Bobot ang nagbigay ng break sa pagdidirek sa TV kay Frasco sa pamamagitan ng Goin’ Bulilit bilang co-director. Pagkalipas ng mahigit apat na taon, iniwan na ng ama ang kanyang panganay sa pagdidirek ng pang-batang gag show na limang taon nang sinusubaybayan ng mga televiewers.
Pero bukod sa Goin’ Bulilit, si Frasco rin ang direktor ng Banana Split. Siya rin ang nagdirek ng Kapitan Boom, Gokada Ko! at Eva Fonda ni Cristine Reyes.
“I have to admit na talagang kinabahan ako pero natutuwa ako sa malaking break at challenge na ibinigay sa akin,” pag-amin pa ng batang direktor.
* * *
Mukhang wala nang pag-asa pang maisalba ni James Yap na mabuong muli ang kanyang pamilya ngayong nilagyan na ng tuldok ng kanyang misis ang kanilang pagsasama bilang mag-asawa matapos nitong atasan ang kanyang mga abogado na ayusin na ang dapat ayusin na may kinalaman sa kanilang paghihiwalay.
Umalis si Kris patungong Amerika kasama ang kanyang dalawang anak na sina Joshua at Baby James kung saan sila mamamalagi sa loob ng tatlong linggo. Mula sa Los Angeles, California ay tumuloy ang mag-iina sa Orlando, Florida kung saan sila mamamasyal sa Disneyland.
Babalik sila in time sa unang death anniversary ng yumaong ina na si dating Pangulong Cory Aquino.
Dahil sa well-publicized separation nina Kris at James, kung anu-anong espekulasyon ang mga naglalabasan at kasama na rito ang paglutang ng pangalan ni Sen. Chiz Escudero na happily married kay Tintin Escudero.
Sa totoo lang, Salve A., sa simula pa lamang noon ng relasyon at pagsasama nina Kris at James ay marami na ang nagsabi na hindi magtatagal ang relasyon ng dalawa sa maraming kadahilanan at kasama na rito ang malaking agwat ng kanilang mga edad, education level, at estado sa lipunan, bukod pa sa pagiging strong ng personalidad ng bunsong kapatid ni Pangulong Noynoy Aquino.
Hindi man natin alam ang tunay na dahilan ng hiwalayang Kris at James, marami ang nakikisimpatiya kay James na siyang lumalabas na underdog sa kanilang paghihiwalay ng kanyang misis.
- Latest