Habang tengga sa TV5: Maricel lalabas sa show ng Kapuso
Alam mo, Salve A., sikat na sikat na nga ang mga teen stars ng First Time na sina Barbie Forteza, Joshua Dionisio, at Mark Castillo dahil pinagkaguluhan sila ng husto sa Tacloban City na may kinalaman sa Sangyaw Festival 2010 grand parade nung bisperas ng fiesta ng lungsod nung nakaraang Martes, June 29.
June 30 ang fiesta ng Tacloban na taun-taon ay dinarayo hindi lamang ng mga local tourists kundi maging sa ibang bansa dahil sa kanilang taunang Sangyaw Festival.
Nasaksihan namin ang grand parade nung hapon ng Hunyo 29 kung saan 15 contingents ang nag-participate at naglaban-laban, pagkatapos nito ay saka naman nasaksihan ang karosang kinalululanan nina Barbie, Joshua, at Mark.
Inabangan at pinagkaguluhan din ang tatlong bagets sa hotel na kanilang tinuluyan, ang Hotel Alejandro.
Bago pa man ang Sangyaw grand parade, meron nang naunang ibang mga activities na nagsimula nung June 18 tulad ng national awarding ceremonies ng Brigada Eskwela, Sped Center Recital Night nung June 20, Search for a Star Final Showdown, at dancing at singing contest nung June 21, Search for Mr. Tacloban 2010 (Bodybuilding & Powerlifting Contest), at Senior Citizen’s Night nung June 22, Search for Tacloban Fabulous 5 nung June 24, Sangyaw Achievement Awards Night at launching ng Sangyaw Magazine nung June 26, Boombastic Vismin Biker’s Night, Leyte Dance Theater Recital, at Miss Tacloban Beauty Pageant nung June 26 kung saan special guests sina Aljur Abrenica at Paolo Paraiso. Nung June 27, nagkaroon naman ng 2nd Sangyaw Parumba 2010 (foot and pedicab race) at Eastern Visayas State University Night.
Marami namang activities nung June 28 at kasama na rito ang 2nd Mayor Alfred Cancabato Bay Fishermen’s Sports Competition (sailboat and motorized banca race), Balik-Tacloban Night, at ang pinaka-highlight kinagabihan ay ang much-awaited first ever live concert sa Tacloban ng pamosong Air Supply na ginanap sa Tacloban Astrodome at dinaluhan ng mag-asawang Mayor Alfred at Councilor Cristina “Kring-Kring” Romualdez, ganoon din ang kinatawan ng 1st district ng Leyte na si Congressman Martin Romualdez, magazine publisher Sari Yap, at maging ng ilang entertainment writers na kinabibilangan nina Ricky Lo (ng The Philippine Star), Raoul Tidalgo, Ronald Constantino, Mario Bautista, Eugene Asis, Ian Fariñas, Jojo Gabinete, at Jun Lalin.
Naging front act naman si Aiza Seguerra ng Air Supply at mainit din itong tinanggap ng mga Taclobanons. Bukod sa Air Supply at kay Aiza, nagtanghal din sa Tacloban sa iba’t ibang araw ang mga kilalang banda tulad ng Parokya ni Edgar, Callalily, Pedicab, Paraluman, Euphonics, Slapshock, Alamid, Spongecola, Urbandub, Kiss Jane, Siakol, at iba pa.
Nung araw mismo ng kapistahan ng Tacloban nung June 30, nagkaroon ng Pontifical Mass sa Santo Niño Church at sumunod na rito ang panunumpa ng mga bagong halal na city officials ng Tacloban na pinangunahan ng mag-asawang Mayor Alfred at Councilor Cristina Romualdez na siya ring pangunahing pasimuno ng Sangyaw Festival.
Dumating kami sa Tacloban nung hapon ng June 28. Mula sa airport ay tumuloy muna ang tropa sa bahay ng mag-asawa para mag-meryenda at saka kami tumuloy sa Hotel Alejandro.
As in the past three years, enjoy kami parati sa aming biyahe sa Tacloban hindi lamang dahil komportable at pamilyar kami sa lugar kundi dahil na rin sa mainit na pagtanggap at pag-aasikaso sa amin ng mag-asawang Alfred at Kring-Kring at maging ng kanilang mga staff.
Kahit isang buong araw at dalawang gabi lamang kami sa Tacloban, nakuha naming makapamasyal sa San Juanico Bridge (na nagdudugtong sa Leyte at Samar), San Rafael Farm, McArthur’s Park, Santo Niño Shrine, People’s Park, Robinsons Mall, at iba pang magagandang lugar ng Tacloban.
* * *
Tama lamang na hindi nagpunta si James Yap sa inauguration rites ng kanyang brother-in-law na si Pres. Noynoy Aquino sa Quirino Grandstand nung June 30 dahil bukod sa magiging uncomfortable lamang siya, ganoon din marahil ang kanyang misis na si Kris Aquino at iba nitong mga kaanak.
Nariyan pa ang media na tiyak na nakaabang din sa kanilang mag-asawa. Sa halip nga naman na ma-sentro ang attention kay Pangulong Noynoy, makakaagaw pa sila ni Kris ng attention.
Sa nangyaring hiwalayan (for the nth time) nila, marami rin ang nakikisimpatiya sa sikat na cager lalo’t parati nang lumalabas na api sa pananaw ng mga tao. At nakatutuwang isipin na sa kabila ng mga pronouncements ni Kris on national television, buong pakumbaba pa ring sinabi ni James na gusto niyang ipaglaban at muling mabuo ang kanyang pamilya tulad ng kanyang ipinangako sa yumaong ina ni Kris, ang dating Pangulong Cory Aquino.
Malaki rin ang naitulong ni James sa kampanya ni Pangulong Noynoy.
* * *
Alam mo, Salve A., hinayang na hinayang ako na hindi namin nasaksihan ang Uncut fashion show ng Bench sa Araneta Coliseum nung nakaraang Biyernes ng gabi dahil nataon na meron akong dinner meeting sa Toki at ang kaisa-isang ticket ko ay nilambing sa akin ng aking pamangkin na si Arlyn de la Cruz. Sabi pa naman sa akin ni Neil de Guia na ang Uncut ang pinakabonggang fashion show ng Bench.
Taun-taun ay inaabangan ng mga tao ang yearly big event na ito ng Bench sa Big Dome na tinatampukan ng mga kilalang personalities sa mundo ng showbiz at fashion.
* * *
Tila nabunutan ng tinik si Phillip Salvador nang siya’y katigan ng Department of Justice (DOJ) sa kanyang inihaing motion for reconsideration na may kinalaman sa kasong kriminal na isinampa sa kanya at sa kanyang nakatatandang kapatid na si Ramon Salvador ng negosyanteng si Cristina Decena sa kasong estafa at falsification of private documents.
Binaliktad ng DOJ sa pamamagitan ng outgoing Justice Secretary na si Alberto Agra ang naunang naging desisyon ng Makati Prosecutor’s Office nung 2005 na nagdiin sa magkapatid na Salvador sa kasalanang isinampa laban sa kanila ni Decena na naging kasintahan noon ng drama-action star.
Siyempre pa, masayang-masaya ang magkapatid na Ipe at Ramon sa naging desisyon ng DOJ.
* * *
Walang exclusive contract ang diamond star na si Maricel Soriano sa kahit anong TV network kaya malaya itong makakatanggap ng trabaho sa tatlong TV stations (ABS-CBN, GMA 7, at TV5). Matagal nang walang programa si Maria sa Kapamilya Network.
Nagkaroon siya ng five-part drama anthology sa TV5 at ngayon naman ay tinanggap niya ang trabaho sa Kapuso Network dahil magkakaroon siya ng special guest appearance sa Pilyang Kerubin na tinatampukan nina Barbie Forteza, Joshua Dionisio, at Elmo Magalona.
* * *
Personal: Belated birthday greetings sa dating Unang Ginang at ngayon Congresswoman Imelda Romualdez-Marcos at sa aking nakatatandang kapatid na si Meriam Amoyo nung July 2.
- Latest