Sandara milya-milya na ang layo sa dating ka-loveteam
Kung wala nang gaanong balita sa dating ka-loveteam ni Sandara Park na si Hero Angeles, kakaiba naman ang nangyayari ngayon sa career ng dating teen-star na pinasikat ng ABS-CBN dahil isa na itong malaking star ngayon sa kanyang bansa, ang Korea.
Si Sandara ay member ng sikat na all-female group sa Korea, ang 2NE1. Pero kahit sikat na sikat na si Sandara sa Korea, hindi pa rin nito kinakalimutan na sa Pilipinas siya unang nakilala at kung may pagkakataon ay gusto rin niyang muling makagawa ng projects sa Pilipinas na kanyang itinuring na second home.
Ano kaya’t makipag-co-produce ang ABS-CBN sa management company ni Sandara sa Korea, ang YG Entertainment ng isang TV series na ang mga stars ay pinaghalong Pinoy at Koreans at ang taping ay halo rin, ang ibang eksena ay kukunan sa Korea at ang iba naman sa Pilipinas. Ida-dub din ito in Korean at Tagalog para maipalabas din sa dalawang bansa.
* * *
Alam mo, Salve A., kailangan sigurong mawala ang pagiging shy ng ex-PPB housemate na si Tom Rodriguez at ngayon actor at member ng all-male group, ang VOIZboys na kinabibilangan din nina Jay-R Siaboc, Guji Lorenzano (pamangkin ng kilalang singer na si JoAnne Lorenzana) at si Nico Antonio, anak ng lawyer-producer na si Atty. Joji Alonzo.
Guwapo at may boses si Tom pero wala pa itong gaanong contact sa audience dahil parati itong naka-tungo kapag nagpi-perform.
* * *
Manatili kaya ang action star na si Ronnie Ricketts bilang chairman ng Optical Media Board (OMB) ngayong may bagong pangulo na sa katauhan ni pangulong Noynoy Aquino? Ang mister ni Mariz na si Ronnie ay appointee ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo.
Samantala, bakit kaya tahimik lamang si Ronnie magmula nang ito’y umupo sa kanyang posisyon noong isang taon bilang kapalit ni Edu Manzano?
Kilala namin ang pagiging action man ni Ronnie pero walang gaanong nababalita tungkol sa kanyang posisyon.
* * *
Iwas-pusoy ang magkasintahang Marian Rivera at Dingdong Dantes kung tungkol sa planong pagpapakasal ang pag-uusapan dahil hindi pa raw ito sumasagi sa kanilang isipan. Ang mahalaga raw ay ini-enjoy nila ang kanilang relasyon ngayon. Pero kapag dumating daw ang panahon na pareho na silang handang lumagay sa tahimik, pag-uusapan nila ito ng seryoso at plano nilang makasal sa simbahan. At kung saka- sakali man daw na dumating na ang panahon na ‘yun, gusto nila pareho na silang dalawa ang magkatuluyan.
- Latest