OPM ibinabalik ng Viva
MANILA, Philippines - Inihahandog ng Viva Concerts and Events ang mga orihinal na musikang Pilipino sa OPM Through the Years na itatanghal sa SMX sa Mall of Asia sa Sabado, Hulyo 17.
Tampok sa show sina Basil Valdez, Vernie Varga, Joey Albert, Gino Padilla, Charlie Green, at ng The Company.
Ang mga topnotch performer na sina Basil, Vernie, Joey, Gino at The Company ang umawit ng maraming kantang likha ng mga Filipino composer sa nagdaang 30 taon. Ito ang bubuo sa repertoire sa show. Isasama rin nila si Charlie Green, isang 13 anyos na Britain’s Got Talent finalist na nakatuklas sa kakaibang ganda ng awiting Pilipino.
Ang OPM Through the Years ay idinirehe ni Roxanne Lapus na siya ring gumawa sa blockbuster show na Legends of OPM. Musical director si Egay Gonzales.
Isa itong paggunita sa musika ng magagaling na Filipino singer na hindi mapapalagpasan ng mga music lover. Ang mga ticket price ay P2,750 para sa Gold; P2,000 para sa Silver; at P1,000 para sa Bronze.
Si Basil na nagsimula bilang folksinger at naging miyembro ng Circus Band ay siyang nagpasikat sa mga kantang You, Let the Pain Remain, Gaano Kadalas ang Minsan, Lift Up Your Hands, Tuwing Umuulan at Kapiling Ka, at iba pa.
Si Vernie naman na nagkapangalan sa pagkanta sa mga nightspots sa Maynila ang nag-record sa orihinal na version ng klasikong Kahit Isang Saglit na likha ni Louie Ocampo. Kasama rin ang You’ll Always Be My Number One, Love Me Again at My Love My Soul, My Everything.
Ang beauty queen namang si Joey Albert na magmumula pa sa Vancouver para sa konsiyerto ay nakilala sa mga awiting Tell Me, Ikaw lang ang Mamahalin, Iisa Pa Lamang at It’s Over Now.
Si Gino naman na kasama ni Tina Turner sa paggawa ng isang soda commercial at mula sa kilalang angkan ng mga Padilla ay nagkaroon ng mga hits na Gusto Kita, I Believe In You at Let the Love Begin.
Pinahanga naman ng Teen Idol na si Charlie ang mga Pilipino sa pagkanta niya ng klasikong Dahil sa Iyo at ang unang single mula sa kanyang album na A Friend Like You ay katulad ng sa Manila Sound standard ng Pers Lab ng Hotdog.
Nariyan din ang The Company. Sa 20 taong kasikatan nila, kasama sa kanilang best seller ang Everlasting Love, Now That I Have You, Muntik na Kitang Minahal at iba pa.
- Latest