Mga artista nababaliw sa feng shui
MANILA, Philippines - Maraming mga artista ngayon ang nababaliw sa feng shui.
As in wala yata silang pinaniniwalaan at ibang inaasahang magbibigay sa kanila ng suwerte kundi ang feng shui.
Naka-depende sa feng shui calendar ang marami-raming artista ngayon.
May isang artista na bawat araw ay tinitingnan niya sa calendar kung good or bad day.
Kung sabagay, kanya-kanya lang naman ’yang paniniwala.
* * *
Tagumpay ang ANC, the ABS-CBN News Channel, DZMM Radyo Patrol 630, at ang mamamahayag na si Ricky Carandang sa ginanap na 2010 Rotary Club of Manila (RCM) Journalism Awards sa Manila Polo Club kamakalawa (Hunyo 17), matapos maiuwi ang TV News Station of the Year, Radio Station of the Year, at Broadcaster of the Year awards.
Ikinagalak ni ANC chief operating officer Glenda Gloria ang parangal na aniya’y pagpupugay sa kasipagan at kagalingan ng mga bumubuo sa natatanging 24/7 news channel sa bansa.
Pangako ni Gloria na, “Patuloy na pag-iibayuhin ng ANC ang malawig at malalim na pagsusuri sa mga isyu na mahalaga sa Pilipino bilang isang channel na mananatiling gising at mapagmatyag para protektahan ang katotohanan at kalayaan ng bayan.”
Doble ang panalo ng ANC sa pagkatanghal sa isa sa mga nangungunang brodkaster nito na si Carandang bilang brodkaster ng taon. Kilala ang co-anchor ni Ces Oreña-Drilon sa The Rundown sa kanyang masusing pagsusuri at paghihimay sa mga isyu sa bansa.
“Sampung taon na ako sa ABS-CBN at unang major award ko ito. Maaasahan niyong patuloy kong itataguyod ang mga pamantayang kinikilala ng ABS-CBN at ng Rotary Club of Manila,” ani Carandang, na nag-uulat din para sa TV Patrol World, Bandila, at The Correspondents.
Ipinagmamalaki naman ng DZMM sa pangunguna ni ABS-CBN Manila Radio division head Peter Musngi ang ikatlong parangal bilang Radio Station of the Year.
Aniya, “Patunay lang ito ng dedikasyon ng DZMM na maging una sa balita at sa public service. Magsisilbi rin itong malaking inspirasyon sa DZMM para mas abutin pa ang mga kababayan natin saan mang panig ng mundo lalo ngayong pinalawak pa ang operasyon ng DZMM Teleradyo sa Middle East, Australia, at Europa.”
- Latest