Finalists ng PGT may trabaho agad kay Kris
Hindi man manalo (o baka naman sila ang nanalo) sa ginanap na grand finals ng kauna-unahang Pilipinas Got Talent na nagtapos ng unang season kagabi sa isang napaka-masaya at dumadagundong na presentasyon sa Araneta Coliseum at sinaksihan ng ilang mga opisyal ng Fremantle Media na siyang nagtataguyod ng nasabing palabas sa Amerika, nakasisiguro na ng trabaho ang dalawa sa mga grand finalists, ang acrobat/dancers na Velasco Brothers at ang puppeteer na si Ruther Urquia. Ang una will experience the very rare chance na mapanood sa inagurasyon ng bagong halal na si Pangulong Noynoy Aquino. Ang offer ay ibinigay sa kanila ng kapatid ng pangulo na isa sa tumayong tatlong hurado sa kabuuan ng paligsahan nung mapili silang grand finalists. Ang ikalawa naman ay gustong isama ni Kris Aquino sa kanyang sisimulang travel show sa ABS-CBN.
Ang Velasco Brothers at si Ruther Urquia ay dalawa sa anim na hindi pagkanta ang ipinamalas na talento sa PGT. Itinigil pansamantala ng apat na magkakapatid ang kanilang performances sa abroad para sumali sa PGT. Hindi naman nakalusot sa panlasa nina Kris at ang dalawa pang judges na sina AiAi delas Alas at Mr. Freddie M. Garcia ang pagiging world class ng talent nito kaya nakapasa sila sa audition.
Masasabi kong pinaka-popular na grand finalist ng PGT si Jovit Baldovino na kontrobersiyal na sa simula pa lang ng PGT. Siguradong hindi siya pakakawalan ng ABS-CBN dahil sa kakaibang brilyo ng boses niya na umaani ng papuri sa YouTube. Hindi pa man ginaganap ang grand finals ay marami na siyang napapasikat na kanta sa internet.
Sayang at dahil sa kakapusan ng oras na ibinigay para ipakita nila ang kanilang talento ay tatlo lamang ang natugtog ni Jenine Oliva, ang drums, piano at violin. May siyam na musical instruments pa sana siyang alam tugtugin.
‘Yung hindi ko masyadong binigyan ng importansiya na Baguio Metamorphosis dahil akala ko ay isang belly dancing act lamang na hinaluan ng hiphop ay nagpamalas ng mahigit pa sa 50% na galing at ganda ng performance kaysa sa ipinamalas nila nung semi-finals.
Medyo na-disappoint ako sa naging performance ng Broadway singing nurse na si Ingrid Payaket na mula rin sa Baguio tulad ng Meta. Mas magaling siya nung semi-finals at mas gamay niya ang piyesa niya. Ganundin ang gitaristang si Keith Delleva na mas magaling na musikero kesa singer at ang pamilya Luntayao na hindi ganun kaganda ang areglo ng kanilang grand finals song.
Parang ordinary din sa akin ang dating ng Ezra Band at parang tumutugtog lamang sila sa isang gig. Ganundin din si Markki Stroem na napakaraming fans na nagwawagayway ng kanyang mga posters and banners sa buong coliseum. Ang pagtugtog niya ng saxophone ay nagbigay sa kanya ng pogi points pero hindi nakadagdag sa kanyang points bilang grand finalist.
Sa mga singer, pinaka-maganda ang performance ni Sherwin Baguion pero kasi mahirap yung hindi original at kaboses lang ni Gary Valenciano.
Mas maraming butterfly ang pinakawalan ni Alakim de Paz nung humarap siya’t mag-perform sa harap ng media, pero bumawi siya sa kanyang disappearing act nang mawala siya sa kanyang kinatatayuan sa stage at nang hanapin ay nasa lower bleacher na siya kapiling ang kanyang mga supporters. Medyo mahirap niyang takbuhin ang kanyang kinalalagyan at makita agad sa ibang lugar, not unless may kakambal siya.
Sa naging tagumpay ng first season ng Pilipinas Got Talent, sigurado nang magkakaroon ito ng second season.
* * *
Napaka-ganda talaga ng pagkakataon na ibinibigay ng ABS-CBN kay Melai Cantiveros. Bukod sa pagiging artista, binibigyan na rin siya ng tsansa na mag-host sa ASAP XV.
Tensiyonado si Melai dahil magagaling ang mga artistang host dito, maging ‘yung mga babae. Kaya sinasabing nai-insecure daw ang babaeng taga-Gen San. Pero hindi naman siya normal kung agad ay kampante siya sa bagong trabaho niya.
* * *
Wala nang gagaling pang mag-host ng Pilipinas Got Talent bukod kina Luis Manzano at Billy Crawford. Talagang nakakuha ng isang magaling na tandem sa kanila ang ABS-CBN. At ang maganda sa kanilang dalawa, hindi sila nagsasapawan. Kitang-kita mo ang pagtutulungan nila at suporta sa isa’t isa. Kung sa iba-iba ’yun, magkakainggitan na at magtatangka nang lamangan ang kasama pero hindi sila. Secure sila sa kani-kanilang posisyon bilang artista. Sa halip na umasa ng suporta, sila pa madalas ang sumusuporta sa mga kasamahan nila, maging ng mga judges.
Sa off cam ng PGT, pilit nilang inaaliw ang audience, nagpapatawa, gumagawa ng kung anu- anong act para sila maka-entertain.
* * *
Ngayon napatunayan ni Kim Chiu sa kanyang paglabas sa Maalaala Mo Kaya na bagay din pala siya sa ibang kapareha, hindi lang kay Gerald Anderson. Hindi ko alam kung talagang gumaling na siyang artista o nadala lamang siya sa pag-arte ng magaling ding si Carlo Aquino dahil napakaganda ng pagtatambal nila sa episode nung Sabado na kung saan lumabas sila bilang isang young married couple.
Nag-mature na si Kim bilang aktres. Ang maganda sa kanya, siya pa ang nagtutulak sa kanyang sarili para mapagaling pa ang kanyang pagganap. Kahit hindi siya ang director, when she feels na kulang ang kanyang pag-arte, humihingi siya ng isa pang take.
- Latest