Hiwaga ng Taal Lake aalamin ng QTV
MANILA, Philippines - Kilala bilang “smallest volcano in the world,” itinuturing din na isa sa pinakaaktibong bulkan ang Taal matapos na makapagtala ng tatlumpu’t dalawang pagsabog mula taong 1572. At sa paligid nito ay ang Taal Lake na kahit tila kalmado ay may malalim at malagim umanong kasaysayan.
Tila taun-taon ay may nalulunod sa lawang ito, at karamihan sa kanila ay mga turista o dayo sa lugar. Paniwala ng mga taga-rito, isang hindi matukoy na elemento sa tubig ang nasa likod ng mga misteryosong pagkalunod.
Kaya naman ngayong Linggo ng gabi sa Q Channel 11, susubukang tuklasin ng Misteryo ang hiwagang bumabalot dito.
Upang mabigyan ng mas malinaw na paliwanag ang diumano’y mga misteryong nagaganap sa lawa ng Taal, susubukang hanapin at tukuyin ng programa kung ano nga ba ang mga posibleng nagiging sanhi ng mga trahedya — isang mahiwagang elemento nga ba o natural na panganib?
Kasama ng Misteryo ang dalawa sa pinakabatikang paranormal experts sa Pilipinas – sina Rob Rubin na kilalang gumagamit ng iba’t ibang gadgets upang matukoy kung may paranormal acitivity o presensya sa isang lugar, at si Alex Angeles na isang “old school” paranormal expert na gumagamit naman ng mga makalumang pamamaraan sa pag-iimbestiga. Marunong ding makipag-usap si Alex sa mga elemento at kaya niyang tukuyin ang hitsura ng mga ito sa pamamagitan ng iba’t ibang ritwal. Sino kaya sa kanila ang makakapagbigay ng mas mahusay na paliwanag sa misteryong ito? Ang techie o ang old school?
Umpisa pa lang ng imbestigasyon, muling naging aktibo ang bulkang Taal at inangat sa alert level 2 ang kondisyon sa lugar. Nagambala kaya ng grupo ang mga elemento dito? Matukoy na kaya ang salarin sa sunud-sunod na pagkalunod sa lugar?
Abangan lahat ng ito sa Misteryo ngayong Linggo, 10 p.m., sa Q Channel 11.
- Latest