Istorya kay Nora sobrang magulo
Hindi porke iniwan na ang Sexbomb ni Jopay Paguia at nagsosolo nang madalas si Rochelle Pangilinan ay masasabi nang namatay na ang grupo, wala na o buwag na ito. Hindi naman. Katulad ng sinabi ni Sunshine Garcia na nakausap sa presscon ng Langit sa Piling Mo na kung saan ay bahagi siya ng cast, tanging ang Sexbomb Singers lamang ang nabuwag at ito ay dahil sa nag-asawa na ang ibang miyembro nito, may pamilya na. Pero pinalitan naman sila ng Daisies na ang miyembro ay mga sexbomb din. Ang kabuuan ng grupo, ang Sexbomb dancers ay buo pa rin, magkakasama pa at napapanood pa rin sa Eat Bulaga at maging sa mga huling linggo ng Daisy Siete.
* * *
May gustong ipahiwatig ang sabay na pananalo sa pulitika ng mga Aquino (Noynoy Aquino bilang pangulo ng bansa) at Marcoses (Imelda, Bongbong at Imee). Parang nagsasabing panahon na para sa totoong reconciliation para magkaliwanagan na at magkatulungan.
Hindi naman mahirap gawin ito para sa ikauunlad ng bansa at magsisilbi pang magandang halimbawa sa mundo. Maganda ang naging problema ng mga magulang ay malutas sa panahon ng kanilang mga anak.
* * *
Sa June 22 opisyal nang bubuksan ang pinto ng MET sa publiko. Magkakaroon ng isang natatanging palabas na purely invitational muna at magsisilbing isang pasasalamat sa mga nagkaloob ng tulong para mabuksang muli ang teatro na itinuturing na isa sa mga yaman ng bansa.
Bagaman at hindi pa kumpletong nagagawa o nare-rehabilitate ang lugar, malaki na ang iginanda nito, salamat sa mga benefactor nito. Ang mga panauhin ay dun mismo uupo sa mga silyang donasyon nila. Gusto rin ipagmalaki ni Manila Mayor Alfredo Lim ang efforts nila para ma-restore ang lugar at gusto nilang mai-share ito sa tao.
In due time, MET will be completely restored and will be fully operational.
Dapat sa mismong araw ng Maynila ito bubuksan pero dahil maraming ibang gawain para sa araw na ito kung kaya binago ang date.
* * *
Ang gulo talaga ng istorya tungkol kay Nora Aunor. Gulung-gulo na maging ang mga Noranians. Para mabigyan ng kaliwanagan ang lahat, kailangang si Nora na mismo ang magsalita tungkol dito. Kailangang sabihin niya ang buong pangyayari, kung ano ba talaga ang totoo. Nawala ba o hindi ang boses niya? Nangangahulugan ba ito na wala na siyang pinagkakakitaan?
Narinig ko na pinayuhan siya ng doctor niya na magpahinga ng mga anim na buwan. Baka kung totoong naapektuhan ang boses niya ay mabalik sa loob ng panahong ito. Pinayuhan ko na rin siya dati na tumigil na ng paninigarilyo pero hindi siya sumunod. Whatever happened to her, baka naka-grabe pa ang paninigarilyo niya.
Umaasa pa rin ako na manunumbalik sa dati ang boses niya. Pero habang walang, ano ang gagawin niya? Kaya nga siguro kailangan niyang humingi ng danyos sa naging dahilan ng pagkawala ng boses niya. Kung ‘yung make-over ang cause, eh dapat tulungan mo siya Aster, (Amoyo - ang movie writer na nag-facilitate sa ginawang make-over sa kanya). Pero bakit parang wala akong naririnig from Aster.
- Latest