Nina Corpuz, nanalo ng international media prize sa U.N.
MANILA, Philippines - Pinarangalan ang ABS-CBN broadcast journalist na si Nina Corpuz ng Media For Labor Rights Prize, isang parangal sa larangan ng journalism na iginagawad ng International Labour Organization (ILO) na siyang labour arm ng United Nations.
Ang naturang prize ay kumikilala sa mga gawain na tumutulong na palaganapin ang impormasyon tungkol sa international labour standards kaugnay sa mga lokal na labour at social issues.
Ang artikulo ni Nina na pinamagatang Filipino Domestic Workers, Between Justice and Survival ay napili bilang pinakamahusay na istorya tungkol sa labour rights mula sa 50 pang ibang entries mula sa mga manunulat at miyembro ng media sa iba’t ibang panig ng mundo. Kabilang sa mga nagwagi ng naturang parangal sa nakaraang mga taon ay entry mula sa Japan at Zambia.
Igagawad ang prestihiyosong parangal sa award ceremony na magaganap sa ika-99 na sesyon ng International Labour Conference sa Geneva, Switzerland mula June 2 hanggang 18.
Ilalathala ang sinulat ni Nina sa mga diyaryo sa iba’t ibang bansa na isasalin sa iba’t ibang lengwahe pati na rin sa opisyal na website ng ILO.
Noong Agosto ng nakaraang taon, si Nina ay binigyan ng scholarship para sa kursong Communicating Labor Rights sa International Traning Center ng ILO (ITC-ILO) sa Turin, Italy. Dito niya sinimulang isulat ang istorya na kanyang ipinagpatuloy nang siya ay nakabalik na sa Pilipinas.
Isa sa nakatulong kay Nina para mas lalo pang mapaganda ang kanyang sinusulat ay ang kanyang naging karanasan sa paggawa ng kuwento sa mga pinauwing Overseas Filipino Workers mula sa Middle East noong Agosto 2009 matapos silang abusuhin ng kanilang mga employers.
Ayon kay ITC-LTO trainor na si Vittorio Longhi, ang artikulo ni Nina ay isang global story na sana’y makagawa ng marka sa Pilipinas at makatulong na mapaunlad ang kalagayan ng mga domestic workers.
Napapanahon din ang napiling paksa ni Nina dahil kabilang sa tatalakayin ng ika-99 na International Labor Conference ang paggawa ng international standards para sa proteksiyon ng mga manggagawa na naglilingkod sa ibang bansa.
Si Nina ay kilalang mamamahayag ng ABS-CBN sa loob ng siyam na taon at nagbibigay ng ulat sa TV Patrol World, Bandila, sa ABS-CBN News Channel (ANC), Studio 23 at sa www.abs-cbnNEWS.com.
- Latest