Pop Girls sunud-sunod ang suwerte
MANILA, Philippines - Ang sumisikat na Pop Girls ang bagong endorser ngayon ng Sisters Feminine Napkins, ang kilalang brand na laging bilib sa galing ng mga estudyanteng babae na may angking talino.
Ang kambal na sina Lai at Mar, Rose, Schai, at Nadine na bumubuo ng Pop Girls ang napiling bagong endorser ng kumpanyang Megasoft Corporation ng Sisters dahil taglay nila ang ganda, galing, at talento ng makabagong kabataan. Sila ang umangat sa paningin ng Viva big boss na si Vic del Rosario nang magpatawag ito ng auditions at maging pinakabagong discovery.
Kaya laking tuwa ng Pop Girls na matapos mabuo ay nagkasunud-sunod na ang mga oportunidad sa kanila. Nakapaglabas sila ng isang 13-track self-titled debut album na ipinrodyus pa ng mga international producers na sina Christian de Walden at Marcus Davis. Napapanood na sila linggu-linggo sa Party Pilipinas. At ngayon nga ay nakuha sila ng isang top napkin brand para maging endorser nito kasama si Maja Salvador.
Kamakailan ay naglibot sila sa ilang eskwelahan sa Marikina City at nakakita ng tatlong babaeng mag-aaral na angat sa lahat ng mga estudyante. Sila ay sina Rachelle Ann Villareal, 4th year ng Marikina High School, Vina Dee Patiam, 4th year ng Tañong National High School, at Perla Mae Sinas, 3rd year ng parehong school.
Saludo rin ang Pop Girls sa galing ng napiling dance group na tinatawag na Protagonist Group na sina Ethel Lambanicio, Ivie Irinco, at Ma. Christina Pucut, lahat 17 years old, at mula sa Best Link school at kumukuha ng kursong office management.
* * *
Pagkatapos ng sunud-sunod na paglalakbay at pakikipaglaban, ang pinakabago at batang mga mandirigma ng GMA 7 – ang Panday Kids ay magsasama-sama at magsasanib-puwersa upang bigyang tuldok ang paghahari ni Lizardo sa mundong ibabaw, sa huling linggo nito simula Mayo 31 hanggang Hunyo 4.
Simula noong Pebrero 22, ang Panday Kids ay naging tagapangalaga ng mahiwagang espada at walang-humpay na inililigtas ang mundo mula sa mga kaguluhan at kalupitan dulot ng kasamaan ni Lizardo. Ngayon na malapit nang magwakas ang kanilang paglalakbay, sina Oliver (Buboy Villar), Hadji (Julian Trono) at Charlie (Sabrina Man) ay magsisimula nang harapin ang pinaka-mabigat na mga pagsubok at nakakagimbal na rebelasyon na darating sa kanilang buhay.
Sa oras na mapasakamay ni Lizardo ang mga taong malalapit sa puso ng Panday Kids, mawawalan sila ng lakas at tapang upang harapin ang mga darating pang mga laban. Samantalang si Lizardo ay unti-unting lalakas at magiging mas makapangyarihan na siyang magdudulot ng panganib sa buhay ng Panday Kids.
Magawa kaya ni Lizardo lahat ng kanyang masasamang plano para sa Panday Kids? Paano ito haharapin ng mga batang mandirigma gayung alam nilang nasa panganib ang kanilang mga mahal sa buhay?
- Latest