First Time wakas na
MANILA, Philippines - Nakatakda nang magwakas ang First Time ngayong Biyernes pagkatapos itong tutukan at ibigin ng mga manonood sa loob ng halos apat na buwan.
Lubos ang pasasalamat ng mga bumubuo ng programa sa pangunguna ng tatlong batang bida na sina Barbie Forteza, Joshua Dionisio at Jake Vargas, sa mainit na pagtanggap ng mga fans sa kanilang love triangle na feel na feel kahit saang sulok ng bansa sila magpunta.
Kung dati-rati ay kilala lamang sila bilang young Jodi, Cholo at Tristan dahil sa Stairway To Heaven, ngayon ay nakabuo na sila ng sarili nilang mga pangalan at may kani-kaniya na ring mga fans. Kaya naman isa na namang proyekto ang nakalatag para sa kanila Barbie at Joshua, samantalang si Jake naman ay ipapareha kay Bea Binene na kabilang din sa cast ng First Time.
Samantala, sa pagtatapos ng kuwento, nakatakdang umalis muli ng bansa si Joshua para mag-aral sa ibang bansa. Kaya mukhang mapipilitan na muling magpaalam sa isa’t isa sina Cyndi (Barbie Forteza) at Lukas (Joshua Dionisio). Sa ikalawang pagkakataon na ito, magawa na kayang ihayag ni Lukas ang tunay niyang nararamdaman kay Cyndi o mauwi lang silang muli sa isang madamdaming pamamaalam?
Mapapanood ang nakakakilig at nakakaantig na pagtatapos ng First Time ngayong Biyernes pagkatapos ng Take Me Out sa GMA Telebabad.
- Latest