Pacman isinugod sa ospital
Bago ko pa nabalitaan na napipisil si Grace Poe-Llamanzares, anak ni Da King at ng Philippine Movie Queen na si Susan Roces, para mamuno ng Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB), na-entertain ko na ang ideya na ideal sa position na ito si Boy Abunda.
Katulad ni Grace, alam na alam din ni Boy ang takbo ng industriya, to borrow Manay Ethel Ramos’s words, like the palm of his hand. Pero pinakamalaking konsiderasyon para sa akin ang hindi niya pagiging “manong”, makabago siya pero nagpapahalaga pa rin sa mga nakagisnan nating pagpapahalaga at kultura. ’Di ba ’yun ang taong kailangan natin para mamuno ng MTRCB?
Marami pa ring sangay ng gobyerno na may kinalaman sa local entertainment industry and movies ang sana ay pamunuan ng mga taga-industriya. Gaya ng Metro Manila Film Festival, Film Development of the Philippines, Optical Media Board, at Mowelfund.
* * *
Matapos siyang palitan ng tinaguriang Bad Boy of Philippine Movies na si Robin Padilla sa Wowowee, ang dating host naman ng nasabing noontime program ng ABS-CBN ay may bagong binyag na Bad Boy of Philippine TV.
Ito ang tinawag sa kanya ng isa sa mga hosts ng isang news program ng Dos.
Karapat-dapat ba ang ex-Wowowee host sa kanyang bagong taguri? Magsilbi kaya itong dahilan para tuluyang iwan niya ang kanyang trabaho sa istasyong nagpala sa kanya at ilang ulit siyang itinayo nang siya’y madapa?
* * *
Talagang seryoso si Manny Pacquiao na pangatawanan ang kanyang pagiging congressman ng Sarangani dahil pumasok siya ng UP Diliman para sa isang crash course sa public administration and governance.
Estudyante rin siya ng Notre Dame of Dadiangas sa kursong business administration. Kukuha rin siya ng law kapag kaya na ng sked niya.
Ang matiim na pagnanais na ito na makapagbigay ng magandang serbisyo sa kanyang mga kababayan ang isang bagay na ikinaiiba niya sa maraming kilalang tao na pumasok ng pulitika. Habang ang motibo ng marami na pumasok ng pulitika ay iniisip pa ng marami, napaka-transparent na ng layunin ng Pambansang Kamao.
Kapuri-puri rin ang ginawa niyang pakikipagkita sa nakatakdang umupo bilang pangulo ng bansa na si Noynoy Aquino, para ibigay dito ang kanyang suporta matapos silang magkanya-kanya nung kampanya. Naniniwala si Pacman na ngayong tapos na ang kampanya ay dapat magkaisa na sila para sa ikauunlad ng bansa.
Pero teka, isinugod sa ospital si Pacman! Ito ay dahil sa pananakit ng kanyang tiyan. Tila matagal na siyang may ganitong sakit na biglang umaatake. Ang sabi, madalas malipasan ng gutom ang boksingero-pulitiko lalo na noong panahon ng kampanya.
Naku Manny, ingatan ang sarili at mahirap kahit maraming money kapag dinapuan ng sakit.
* * *
Talagang dapat pagbutihin ng mga kalabang istasyon ang kanilang afternoon schedule dahil ang ganda ng lineup ng ABS-CBN.
Nakuha ni Empress Schuck ang simpatiya ng mga manonood kaya ang taas ng ratings ng Rosalka, tapos sinamahan pa ito ng Impostor na nagtatampok kina Maja Salvador at Sam Milby na kasama pa rin ang may napakaraming tagasubaybay na sina Melai Cantiveros at Jason Francisco, ang tambalang nabuo sa PBB Double Up.
Kung nakakaawa ang character ni Empress, nakakaintriga naman ang mga roles ng mga artista ng Impostor. Gusto mong malaman kung kontrabida ba si Maja at ang role ba ni Melai ay mas malalalim pa sa napapanood ngayon. Laging bitin kaya ayaw hiwalayan ng mga manonood, hindi kasi nila alam ang magiging takbo ng istorya.
- Latest