GMA Pinoy at GMA Life TV, umarangkada
MANILA, Philippines - Patuloy na umaarangkada ang GMA Pinoy TV at GMA Life TV, ang dalawang international channels ng GMA Networks, base na rin sa dumaraming subscribers ng mga ito sa iba’t ibang Kapuso events sa buong mundo.
At least 250,000 na ang subscribers ng GMA Pinoy TV, kahit pa limang taon pa lang itong nago-operate. Ang GMA Life TV naman na nagsimula noong 2008, ay may 120,000 subscribers na rin.
Umeere ang dalawang international channels sa U.S. pati na sa Guam, Hawaii at Saipan. Mapapanood din ito sa North America, Asia and the Pacific, British Indian Ocean Territory TV kamakailan lang sa MTS Allstream, Inc. sa Canada, samantalang ang GMA Life TV ay mapapanood na ng ating mga Kapuso sa Hong Kong simula bukas, Mayo 24.
Available na rin sila sa Time Warner Cable at Brighthouse Systems sa California, sa lahat ng Comcast systems sa Northern California, Entouch systems sa Texas at Brighthouse systems sa Florida.
At bilang pagdiriwang sa katatapos na North California launch ng dalawang channels ay nagkaroon ng Celebrate Life concert sa Santa Clara Convention Center sa Santa Clara, California na pinagbidahan nina Kyle, Jay-R, Dennis Trillo, Mark Herras, Wilma Doesn’t, Steven Silva at boxing champ Nonito Donaire, Jr.
Nakisali rin ang GMA Pinoy TV — sa pangunguna ni German Moreno — sa Sinulog celebration sa New Zealand, kasama ang mahigit 7,000 na mga Pilipino.
Sa Australia, nakipiyesta rin si Rhian Ramos sa pinakamalaking pagtitipon ng mga Pilipino sa Blacktown, Australia. Si Allan K naman ang bumida sa Premium Philippine Fiesta, ang pinaka-engrandeng gathering ng mga Pinoy sa Tokyo, Japan.
Samantala, todo-suporta naman ang GMA Pinoy TV bilang exclusive media partner ng RP Gilas team sa training games nito sa Middle East, Australia at US. Sinuportahan din nito ang pakikipaglaban ng Pinay na si Ana ‘The Hurricane’ Julaton para sa WBA junior featherweight belt.
Bukod dito, nagpa-raffle rin ang GMA Pinoy TV ng libreng round-trip ticket para sa mga subscriber sa Middle East, at nag-donate ng TV set para sa customer lounge ng Philippine Embassy sa Singapore. At ilang masuwerteng call center agents naman ng Access TV ang nag-bonding kasama nina Sheena Halili at Rainier Castillo. Ang ilan sa kanila, nanalo rin ng trip-for-two to Bohol, Boracay, Palawan at Kuala Lumpur, Malaysia.
- Latest