Offer na pelikula kay Nora nakapila na sana
Kahit anong gawing pangmamata ng maraming ipokrito sa ating lipunan sa mga artistang pumapalaot sa larangan ng pulitika ay hindi pa rin talaga matatawaran ang mga kilalang personalidad na kinakatigan ng suwerte kapag sumusubok ang mga ito sa magulo at maruming mundo ng pulitika tulad na lamang nitong nakaraang halalan.
Nanguna sina Sen. Bong Revilla at Sen. Jingoy Estrada sa labingwalong nahalal na senador at pumasok din sa magic 12 sina Sen. Tito Sotto at Sen. Lito Lapid.
Ang Star for All Seasons at gobernador ng Batangas na si Vilma Santos ay muling nakuha ang tiwala at suporta ng mga Batangueño. Pinalad ding maging bokal ng Batangas ang Drama King na si Christopher de Leon.
Si Herbert Bautista naman ang bagong halal na mayor ng Quezon City kung saan ding nanalo bilang konsehales sina Roderick Paulate, Alfred Vargas, at Gian Sotto.
Si Isko Moreno pa rin ang nahalal na vice-mayor ng Maynila at konsehal pa rin sa nasabing lugar si Yul Servo. Nanalo ring konsehal ng Makati si Monsour del Rosario at sa Parañaque ang nakababatang kapatid ni Anjo Yllana na si Ryan Yllana.
Si E.R. Ejercito ang pinakabagong gobernador ng Laguna at kongresista naman sa nasabing lugar si Dan Fernandez.
Pinalad din si Daniel Fernando sa isang lugar sa Bulacan.
Nakalusot din sa Caloocan sa pagka-konsehal si Marjorie Barretto at si Teri Onor bilang board member ng Bataan.
Nanalo ring kongresista ng lone district ng Bacoor, Cavite ang misis ni Sen. Bong Revilla na si Lani Mercado at ang misis ni Richard Gomez na si Lucy Torres-Gomez sa ika-apat na distrito ng Leyte.
Sa anumang uri ng labanan, kung may nananalo, meron din siyempreng natatalo at kasama na rito sina dating Pangulong Joseph ‘Erap’ Estrada, Cesar Montano na kumandidato sa pagka-gobernador ng Bohol, Imelda Papin na tumakbo sa pagka-senador, Edu Manzano sa pagka-pangalawang pangulo, Ara Mina, Arnell Ignacio at Ogie Diaz sa pagka-konsehal ng Quezon City, Rico J. Puno at Jobelle Salvador sa pagka-vice-mayor ng Makati at iba pang hindi gaanong nag-ingay nang kumandidato.
Hindi man nakabalik sa Malacañang si dating Pangulong Erap, masuwerte naman ang kanyang dalawang anak na sina Sen. Jinggoy Estrada na muling balik-senado at ang outgoing mayor ng San Juan na si JV Ejercito dahil ito ngayon ang nahalal na bagong kongresista ng San Juan habang ang ina nitong si Ms. Guia Gomez ang bagong halal na mayor ng nasabing siyudad.
I’m sure, Salve A., kulang pa ang aking listahan ng mga nanalo at natalong showbiz personalities nitong nakalipas na halalan.
* * *
Alam mo, Salve A., marami ang nagtatanong sa akin kung bakit hindi natuloy ang pag-uwi ng superstar na si Nora Aunor sa Pilipinas noong isang buwan. While ‘yun ang orihinal na schedule ng kanyang pag-uwi at pagbabalik-showbiz, may mga dahilan kung bakit nabalam ang kanyang pag-uwi. Pero very strong ang aming paniniwala na makakauwi pa rin siya sa taong ito pero mauurong nga lamang ng ilang buwan.
Kung trabaho ang pag-uusapan, hindi mawawalan ng offer si Guy dahil ang OctoArts Films ang kauna-unahang nagpahayag ng interes na kunin ang serbisyo ni Guy at may nilulutong magandang proyekto ang kumpanyang pag-aari ni G. Orly Ilacad na pamamahalaan ng premyadong team nina Joel Lamangan at Ricky Lee.
Nagpaabot din ng interes ang GMA Films, ganoon din sa isa pang film project na pamamahalaan ni Jeffrey Jeturian. Pero gaano man kagaganda ng mga proyektong naghihintay kay Guy, mananatili itong walang saysay hangga’t wala siya sa Pilipinas.
Sabi nga ni Kuya Germs, hintayin na lamang natin ang pagbabalik ni Guy pero ayaw din niyang magbigay ng siguradong petsa.
* * *
May kilig factor pa rin talaga ang tambalan nina Robin Padilla at Vina Morales at ito’y napatunayan nang mag-guest ang ate ni Shaina Magdayao sa Wowowee kung saan si Robin ang pansamantalang (o permanente na?) naghu-host nito. At hindi rin ikinaila ni Vina na kinikilig pa rin siya sa kanyang ex boyfriend.
Salve A., malakas ang aming paniniwala na posibleng ma-rekindle ang love affair nina Robin at Vina lalupa’t pareho na silang malaya ngayon. Hiwalay na si Robin sa kanyang misis na si Liezl Sicangco ganundin si Vina sa ama ng kanyang anak.
May plano ring pagsamahing muli ang dalawa sa pelikula na may pamagat na Ang Tatay Kong Hoodlum na sequel ng box office hit movie nilang Ang Utol Kong Hoodlum kung saan nagsimula ang relasyon noon nina Robin at Vina. Wanna bet?
* * *
- Latest