Pagiging imortal tutuklasin sa I-Witness
MANILA, Philippines - Habangbuhay na kagandahan at kabataan. Ang konseptong ito ay naglaro na sa isip ng mga tao mula pa noong unang panahon. Katunayan, ang paghahanap sa sinasabing “fountain of youth” ay mababakas sa iba’t ibang sibilisasyon.
Ngayong Lunes, pagkatapos ng Saksi, sa GMA 7, tutuklasin ng I-Witness ang alamat ng imortalidad.
Ang mga manunuklas na sina Ponce de Leon at Hernando Cortez ay pamoso sa paghahanap nila sa bukal na nagpapahaba ng buhay. Nabigo sila sa paghahanap nito, ngunit hindi pa rin namatay ang ideya na mayroon ngang susi sa imortalidad.
Maging ang mga modernong libro at pelikula gaya ng Harry Potter ay tumutukoy sa tinatawag na “elixir of life” o inuming nagbibigay-buhay.
At dito sa Pilipinas, may mga nagsasabing natagpuan na nila ito.
Sa misteryosong isla ng Siquijor, kilala para sa mga manggagamot, tutuklasin ni Jay Taruc ang sikreto. Sunud-sunod na manggagamot ang kanyang makakasalamuha, kabilang na si Mang Vicente na nakilala sa kaniyang “dancing paper dolls”. Noon daw ay kaya ni Mang Vicente na bumuhay ng patay sa pamamagitan ng black magic.
Pero tinalikuran na niya ito.
Sa patuloy na paghahanap ng mga kasagutan, makikita rin ni Jay ang natatagong ganda at kasaysayan ng Siquijor, na maaaring may kinalaman sa pagiging “healing island” nito. Maaaring hindi salamangka kundi mga likas na yaman ng isla ang nagbibigay ng kulay at buhay sa lugar.
Ngunit bago pa man magtapos ang kanyang biyahe, matutunton ng broadcaster ang isang grupo na nagsasabing nahanap na nila ang susi sa imortalidad. Tamang oras, mga sangkap, at isang kakaibang ritwal umano ang magbibigay ng tinatawag na eliksir na nagpapahaba ng buhay. At oras na makumpleto ang lahat ng kailangang elemento, sisimulan ang isang ritwal. Sa ilalim ng buwan, isang sayaw ang hudyat na malapit nang makita ang susi para maging imortal.
Tuklasin ang alamat ng imortalidad ngayong Lunes sa I-Witness.
- Latest