Bagong banda gusto lang magka-girlfriend
MANILA, Philippines - Sino ang mag-aakala na may mga character sa video game na magkakaroon ng puwang sa music industry? At eto pa, gusto lang nilang magka-girlfriend.
Ang bagong talento ng Sony Music, ang Eevee, ang magpapatunay na kayang makipagsabayan ng banda sa eksena sa Manila kahit mula pa sila sa Davao.
Ang Pokemon-inspired na big winner sa Nescafé 3-in-1 Soundskool 2009 ay binubuo nina Enzo Miguel Villegas (vocals, guitars), Paolo Segura (lead guitars, back up vocals), Jerrick Sy (bass), at Craig John Neniel (drummer).
May 11 songs, ang album na Paramdam ay tinatawag ng Eevee na “love songs with a beat and some special sauce.” Ang carrier single nila na nakakatuwa para sa mga kabataan ay Gusto Ko Lang ng Girlfriend.
Anti-stress ang mga kanta dahil puro feel-good ito. Biro pa ng banda, “Parang Michael Bublé Learns to Rock.”
Pero seryoso ang Sony Music sa kanila, kaya’t kinuha ang serbisyo ng dalawang bigating musikero — sina Buddy Zabala (The Dawn, ex-The Eraserheads) at Sancho Sanchez (kabanda ni Cynthia Alexander) — upang I-produce at mapaganda ang debut album na Paramdam.
“Recording with Buddy and Sancho is one of the best experiences we’ve had. Relaxed lang sila kahit mga metikoloso, iba ’yung tenga nila. They hear everything,” paghanga ni Paolo.
- Latest