Mga Artista huhusgahan na rin ngayon
Bukas, inaasahan kong babalik na sa normal ang ating buhay. Tapos na ang kampanya, ang eleksiyon, ang pamimintas at panlalait sa isa’t isa. Tapos na rin sana ang pagkakagalit at magbati-bati ng muli ang mga kumandidato, yung mga nanalo at maski na yung natalo.
Ang alam kong magkakaroon ay mga protesta mula sa mga nag-akalang nanalo sila pero nadaya.
Siyempre yung mga na-disqualify pero tumakbo rin ay may problema pa rin. Sana maayos ang mga problemang ito sa madali at mabuting paraan. Sana naman.
Matagal nang may nagsasabi sa akin at ewan ko kung puwedeng mangyari na kung sino raw ang manalong presidente ay kunin niya para magtrabaho sa kanya o gawing miyembro ng gabinete ang mga nakalaban niya sa presidency. Ang ganda siguro ng magiging administrasyon niya. Ang nakaka-worry lang baka hindi pumayag ang mga kapartido niya rito na siyempre ang interes nila ang uunahin. Pero kung ang interes ng bansa ang iisipin niya magandang proposisyon ito, hindi ba?
* * *
Marami tayong artista na kumakandidato. Pakitingnan naman ang kuwalipikasyon nila at kung puwede naman sila, pakiboto naman. Maraming artista tayong puwedeng asahan bilang mga public servant.
Si Erap naman kung hindi nagpasya na bumaba sa kanyang tungkulin dahil sa pagmamahal sa bayan at mga kababayan would have done great for the country and its people. Pero puwede pa naman hindi ba?
Bong Revilla, Jinggoy Estrada and even Lito Lapid na hindi masyadong masalita ay maraming nagawa bilang senador. Huwag kayong maniwala sa akin, sana tingnan n’yo muna ang mga records nila bago kayo pumili ng list ng inyong ibobotong senador.
Tumatakbo ring senador sina Imelda Papin na naging mahusay na vice governor ng Camarines Sur at si Tito Sotto.
Si Herbert Bautista ay maraming kalaban bilang mayor ng QC, katunayan ang dami-dami raw niyang tinatanggap na death threats. At sinampahan din ng maraming kaso na mabuti naman at na-dismiss lahat. Bakit kaya eh matagal na siyang naglilingkod sa lungsod. Tingnan n’yo na lamang kung may nagawa siya sa kanyang termino bilang vice mayor.
Marami ring kandidato para konsehal. Tulad nina Arnell Ignacio, Gian Sotto, Alfred Vargas, Ogie Diaz, Precious Hipolito, Glenda Garcia, Roderick Paulate, at Ara Mina.
Siyempre ang tumatakbo sa mas mataas na posisyon tulad nina Vilma Santos para goberndor ng Batangas, Cesar Montano para gobernador ng Bohol, Lucy Torres para congressman sa Ormoc, Gary Estrada sa Quezon Province, at Daniel Fernando sa Bulacan.
Huwag nating maliitin ang mga artista. Nakapag-aral sila, at may puso sa paninilbihan. Lahat ng mga artistang naging pulitiko have all done well, siguro dahil nakatuon sa kanila ang pansin ng lahat at gusto nilang patunayan na may magagawa ring maganda ang mga artista, sa labas ng showbiz.
- Latest